Isinalin ko ang mga tulang ito para sa klase ko kay Dr. Judy Taguiwalo sa CSWCD, circa 2004-2005.
Ang mga Bagay na Ipinadala Mo sa Akin
ni Nguyen Kho Diem (Vietnam)
Salin sa Filipino ni Mykel Andrada
Kaninang umaga, pagkalaya ko mula sa bilangguan,
Sumapi ako sa hukbo,
Walang nakapansin sa akin
Wala ni isang matang nanipat
Maging ako, sa aking salawal,
Ay di nagbusisi ng sarili.
Binigyan ako ng mga kasama ng isang A.K.*
Ang tumbong nito’y napingasan ng bala
Na siya ring kumitil sa isang kadre namin
Habang nakalapat ang pisngi ko sa baril,
Tila kapagkit ng pisngi ko ang pisngi ng namatay.
Matapos ang isang depensiba, sa Baoquoc pagoda,
Binigyan ako ng isang pares ng sandalyas
Sunog ang mga istrap, may bahid ng dugo ang suwelas
Naitumba ang kadre sa unang putok ng atake
Masyadong masikip ang mga sandalyas
Naglalakad ako na tila ang paa ko’y paa ng naitumbang kasama.
Sumunod na araw, pagbalik sa base sa likod ng mga linya
Binigyan ako ng mahusay na kumot
Kumapit doon ang pawis ng isang nawawalang kasama
Nang gabing iyon, mailap ang pagkahimbing
Ang buong katawan ko’y siya ang naiisip
Parang…
Sa loob ng dalawampu’t limang araw
Ang naka-asul na unipormeng rekrut
Ay naging armadong kawal, may mga linya sa braso
At sa aming mga telang-ranggo
Salamat sa lahat ng ipinadala mo sa akin
Tinatanggap ako maging ng mga mamamayan:
“Pagbati, kasamang kadre ng paglaya!”
* isang uri ng baril
Salin ng “The Things You Sent Me,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller
Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 132.
Hinggil sa may-akda:
Si Nguyen Khoa Diem ay ipinanganak sa isang rebolusyunaryong pamilya noong 1944. Sa kaniyang kolehiyo sa siyudad ng Hue kung saan siya nagmula, sa panahon ng rehimen ng Estados Unidos sa Vietnam, naging aktibista siya at ilang beses hinuli at ikinulong. Nang mapalaya siya ng opensibang Tet noong 1968, nagpatuloy siya sa paglikha ng mga akda sa mga pinalayang sona. May-akda siya ng mga koleksiyon ng tula: Dat Ngoai o (City Land, 1972), at Mat Duong Khat Vong (The Hopes of the Trail, 1974). Miyembro siya ng Sekretaryat ng Vietnamese Writers’ Union, naging Kalihim ng Association of Art and Literature sa probinsiya ng Binh Tri Thien sa Hue.
Ang Bahay ng Aking Ina
ni Huu Thinh (Vietnam)
Salin sa Filipino ni Mykel Andrada
Uuwi na ako sa iyo, ‘Nay
Tumitibok ang tiket ko sa tren tulad ng aking puso.
Muling nakasalo ang puwet ko sa kawayang upuan
Kung saan ka nananahi habang kinakalas ni Tatay ang kaniyang sandalyas
Sa isang iglap, nalalabusaw ang layo at distansiya
Nagkakapakpak ang saya at nagbibigay ng bagong buhay sa katre
Hayaan mong ako ang sumalok ng tubig
Magiging sisidlan mo ito ng panighaw sa uhaw
Hayaan mo akong magsaing — nang hindi ikinukubli ang usok*
Hayaan mo akong pasalamatan ang apoy sa sigaan
Na nagpakalma sa ‘yo nung ako’y malayo sa tahanan
Narito, tulad ng dati, ang sampayang nakatali sa poste
Araw-araw, tumataas ito para sa iyo
Isinampay ko ang aking damit, ipinaalala nito ang nagdaang mga araw
Tumatangis ang sampayan noong wala ang anak ng Ina
Malalim ang ukit ng gera sa buhay namin
Puno ng tubig ang isang butas sa aming delantera
Humapon na akong muli sa aming tahanan
Fraternal na pagbati ang isinalubong sa akin ng sapot sa dingding
Upang malabusaw ang distansiya, ang isang payak na manlalakbay
Ay kailangan lamang magbalik sa kaniyang pinagbuhatan
At yumungyong muli sa mga bisig ng Ina
Ngunit para sa aktibong kawal tulad ko,
Ang muling-paghahanap ng sarili ay nangangahulugan ng pagsulong
Pagpunyagi sa mga balakid at panganib
Upang makita ka roon sa daang pataas
Tulad ng pagkamasid ko sa ‘yo, ‘Nay.
Di pa man ako nakatutungtong sa delantera ng ating bahay
Nang sunud-sunod na agad ang putukan sa may harapan
‘Nay, maliit na istasyon ng tren ang ating bahay, ang ating mga buhay
Kami, na iyong mga anak, ay lumalagos roon, paulit-ulit, paulit-ulit.
1980
*Noong panahon ng gera, maingat ang pagluluto upang di mamataan ng kaaway ang usok.
Salin ng “My Mother’s House,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller
Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 133-134.
Hinggil sa may-akda:
Ipinanganak si Huu Thinh noong 1944 sa probinsiya ng Vinh Phu. Noong 1963 ay sumapi siya sa People’s Army at nagsilbing tankman. Noong 1982, nagtapos siya sa Nguyen Du LIterary Institute. Naging patnugot siya ng Seksyong Tula ng magasing Army Art and Literature. Miyembro siya ng Sekretaryat ng Vietnamese Writers’ Union (VWU) at naging presidente ng Young Writers’ Committee. Ginawaran rin siya ng VWU ng Literary Prize nong 1980. Ilan sa mga koleksiyon ng tula niya ang The Road to the City noong 1976, When the Child Hoa Was Born noong 1984, at From the Trench to the City noong 1985. Nagsusulat din ng prosa si Huu Thinh.
Isang Paillasse, Mainit
ni Nguyen Duy (Vietnam)
Salin sa Filipino ni Mykel Andrada
Isang maliit na bahay-kubo sa gilid ng sakahan
Kumatok ako: binati ako ng Ina, umiihip ang hangin
“Maliit ang aking tahanan, pero may matutulugang kuwarto
Wala ako ni katre o kumot”
Ginawan niya ako ng kamang-pawid
Narito ako, tila isang higad sa kaniyang tahanan
Matamis ang samyo ng pawid, hindi ako makatulog
Ang pino, malutong na pawid
Ay mas nakapagpapainit kaysa katre o kumot
Para sa lahat, pamatid-gutom ang isang butil ng bigas
Ngunit, itong mainit na pagpapaluwal ng pawid
At ang malutong na bango ng nahihinog na palay
Ay di madaling napagsasaluhan ng lahat.
Salin ng “A Paillasse, Mainit,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller
Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 134.
Hinggil sa May-akda:
Matapos mag-aral ay sumanib sa People’s Army si Nguyen Duy noong 1966. Nagtapos siya sa Philological Department ng Hanoi University at nagtrabaho para sa pahayagang Liberated Literature and Art. Ipinanganak siya sa probinsiya ng Thanh Hoa noong 1948.
Paglilinis ng Mina
ni Nguyen Duc Mau (Vietnam)
Salin sa Filipino ni Mykel Andrada
Dumaan roon ang gera, nagpunla ng mga mina
At sa atas ng iyong bansa, nagpunta ka bunutin ang mga ito
Muli, nilalambungan ka ng gera
Dito, ikaw ang huling kikitil sa gera.
Kaninang umaga, dumaraan ang mamamayan, bitbit ang mga bulaklak ng lotus
Ibinubuhos ng Tag-init ang bango nito sa buong siyudad
Ang unang Tag-init na walang-pintas ang asul na kalangitan
Sumasayaw ang mga salakot-tula* sa gilid ng Ilog ng mga Pabango
Nararanasan ng Hue ang unang Tag-init nito, pumapagaspas sa hangin ang mga bandila
Sa may bintana, nakaligid ang mga dilaw na bulaklak sa isang orkidya
Ito ang unang Tag-init na nakapaghuhuntahan ang mga tao hinggil sa kinabukasan nila
Dinadala ang bigas sa mga lugar na maaaring dapuan ng taggutom
Naroroon ang Tag-init: sa pagitan ng iyong puso at ng minang nakamamatay —
Isa lamang itong platong bakal
Perenyal na bisita ang kamatayan sa lupaing ito
Inihasik ng mga pagsabog ang mga punla ng takot at kasawian
Ang mga nangimay mong kamay
Ay dahan-dahang niluluwagan ang mga kurdon
Ang mga eskperto mong kamay
Ang mga kamay mong may kapangyarihan ng mahika
Ay pinipiga ang masungit na pliers
At tahimik, tahimik na tahimik ang pabilog na bakal
Nakakubli ang mga bomba tulad ng pugad ng mga anay
‘Yung iba’y hinuhunyango ang kulay ng lumot o bato
Batid ng mga bomba na kikitilin sila ng tao
Kaya hinahanap nila ang tao para kitilin ito
Binunot mo ang mga mina upang mabuhay ang ating mga kalye at mga puno
Para sa ating masayang mga umaga at para sa ating mga bukas
Husto na ang pagkaalam ko na sa susunod na Lunes
Ang mga kamay na nagpatahimik sa mga mina’y leave-pass na ang hawak-hawak
At ang tram na tumatalunton sa mga maputik na daan
Ay maghahatid sa ‘yo sa iyong pamilya
Matapos ang maraming taon ng pagkakawalay
Nakaunat na parang duyan ang mga anino ng mga kawayan sa iyong baryo
Aabutan ng iyong mga kamay ng pasalubong ang sampung-taong gulang na anak mo,
Makikilala niya sa unang pagkakataon ang kanyang ama
Susuyurin ng iyong mga daliri ang buhok ng iyong asawang
Sampung taong naghintay sa iyo, mga taon ng kaniyang kabataan
Ngunit kung ang isang tusong mina
Ay biglang kikitil sa iyo
Magiging eternal ang lupang iyong pagbubuwalan
Kung saan ka matutumba, patutubuin ng panahon ang mga damo
Kung saan ka mahuhulog, patatayuan ito ng mga tahanan
Nabura na noon ng iyong mga kamay ang babala: “Minefield”
Napalis mo na marahil noon ang huling detonaytor, napalis ang kamatayan
Dumaraan ang mamamayan kaninang umaga, bitbit ang mga bulaklak ng lotus
Ibinubuhos ng Tag-init ang bango nito sa buong siyudad
Hawak mo ang isang nadistrungkang mina sa iyong kamay
At iniitsa mo ito sa di-nangungusap na bansot na bundok ng bakal.
Hue, Hunyo 1975
*Nagsusuot ang mga babae sa Hue ng mga salakot na mayroong mga tulang nakasulat sa looban nito.
Salin ng “Mine Clearance,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller
Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 135-136.
Hinggil sa may-akda:
Maraming koleksiyon ng mga tula si Nguyen Duc Mau. Ilan rito ang The Poem of the Soldier Going to the Front noong 1972, The Green Fire Land noong 1973, Rains in the Burning Forest noong 1976, Front Dress noong 1976, at The Man Looking for the Foot of the Sky noong 1981. Sumali siya sa Vietnamese People’s Army noong 1966. Ipinanganak siya sa probinsiya ng Hanam Ninh noong 1948.
Mabait ka ba?
ni Lam Thi My Da
Salin sa Filipino ni Mykel Andrada
Tulad ng pagtatanong ng palay sa lupa
Mabait ka ba?
Tulad ng pagtatanong ng puno sa hangin
Mabait ka ba?
Tulad ng pagtatanong ng ulap sa langit
Mabait ka ba?
Walang-hangganan ang aking langit
Kung saan namamaybay ang mga ulap mo
Di mauubusan ang aking hanging-hininga
Sa pagsuyo sa iyong mga puno
Malalim ang aking lupa
Sa ibabaw nito’y nakayukyok ang mga palay
Kaya bakit mo pa
Pinahihirapan ang iyong sarili
Sa pag-iisip kung
Mabait ako?
Hinggil sa may-akda:
Isa si Lam Thi My Da sa mga masugid na babaeng manunulat sa Vietnam. Ipinanganak siya noong 1949 at miyembro siya ng Executive Committee ng Vietnamese Writers’ Union. Ang koleksiyon ng mga tula niya noong 1982 ay pinamagatang The Song of the Land. Maraming napagwagiang gantimpala si Lam Thi My Da. Ilan rito ay ang patimpalak Van Nghe noong 1973, ang Literary Prize of Binh Tri Thien Province, at ang Literary Prize ng Vietnamese Writers’ Union noong 1981 hanggang 1983.
Leave a comment