e-mykel

Archive for June, 2010|Monthly archive page

Berso 4, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on June 9, 2010 at 4:27 pm

Dumating ka’t naaligaga
sa pagpagaspas
ang sanlibo’t isang maya:
Kinaltag ang aking hugis-
makopang hawla,
naggumiit na lumangoy
sa dagat ng mga tala.

Mykel Andrada. June 8, 2010. 3:57am. Iba, QC

Advertisements

Pumepersonal o Maaari Ring Subok sa Sarili (Salin)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on June 9, 2010 at 4:18 pm

Salin ni Mykel Andrada
Orihinal sa Ingles ng “Essay on the Personal” ni Stephen Dunn

Dahil humantong nang ang personal
ay ang siyang tanging matimbang,
gumugugol tayo ng mga taon sa paglalarawan
ng baog na mga batong-buhay,
magkakatalikod na mga upuan,
kumukuyakoy na mga kubo —
hanggang sa handa nang lahat.
Lagi’t laging saktong kaba at tamang diskarte,
tulad ng pakiwari at pahiwatig ng pagpapalitan ng laway
o paglusot sa kalahating-pinid na pintuan.
Maigi’t nakapagsanay tayo sa mga bato,
mga bagay na maaari nating mahalin
nang hindi nangingilirang-luha.
Mabuti’t may sumampa, may nagbalikbayan sa kabundukan,
at inihabilin sa hangin ang kanilang mga kubo,
ngunit nilooban ng may malalaking tahanan
at pinatayuan ng dambuhalang palaruan.
Ngayon, may maipahahanga tayong kuwento
sa ating mga magulang. Hindi natin iniinda
ang sakit, kaya nating makipagtitigan sa araw.
Ngunit nang hinuha natin ay nakatitiyak na tayo,
sumasabat ang personal, sumasabay
sa paniniwala, pagtitiwala. Iyong mistulang malalim
ay nagmistulang inosente, nagmistulang mapaglalagakan
ng tiwala, sapagkat hindi pa natin nababasa si Marx
o napagtatalab ang dalawang magkatunggaling ideya
o dalawang puso o dalawang puson sa iisang araw.
Itong pag-ibig, matapos nito’y tila lumang pelikula.
Tila naging palasak ang kakapusan
at nakipag-isang-dibdib sa hangin,
upang ibuntung-hininga ang sarili, sinuman.
Naiwan sa atin ang mga pamamaraan,
mga natatanging tindig ng gulugod
at tilamsik ng dila, mga natatanging asinta
sa mga pagbusangot na nananatiling hungkag
hanggang bigkasin nating makahulugan ito.
Matapos ang paglukob ng liwanag at dilim,
ang paghahalinhinan ng dilim at liwanag,
matapos natin itong ipatanggap sa samu’t saring
mga sarili natin, humahapon tayo sa ating kubo
ng pag-ibig. Binabalikan natin ang lahat
ng kakaiba, absurdo, tulad ng pag-idlip
na kasama ka, tulad ng pakikipagtalik mag-isa.
Tulad ng pagtanggap sa mga bagay
na matagal nang pinaghahagkan ang ating mga kamay.

June 7, 2010. Iba, QC. 5:26am.

* * * *

Essay On The Personal
ni Stephen Dunn
Mula sa http://famouspoetsandpoems.com/poets/stephen_dunn/poems/14912

Because finally the personal
is all that matters,
we spend years describing stones,
chairs, abandoned farmhouses—
until we’re ready. Always
it’s a matter of precision,
what it feels like
to kiss someone or to walk
out the door. How good it was
to practice on stones
which were things we could love
without weeping over. How good
someone else abandoned the farmhouse,
bankrupt and desperate.
Now we can bring a fine edge
to our parents. We can hold hurt
up to the sun for examination.
But just when we think we have it,
the personal goes the way of
belief. What seemed so deep
begins to seem naive, something
that could be trusted
because we hadn’t read Plato
or held two contradictory ideas
or women in the same day.
Love, then, becomes an old movie.
Loss seems so common
it belongs to the air,
to breath itself, anyone’s.
We’re left with style, a particular
way of standing and saying,
the idiosyncratic look
at the frown which means nothing
until we say it does. Years later,
long after we believed it peculiar
to ourselves, we return to love.
We return to everything
strange, inchoate, like living
with someone, like living alone,
settling for the partial, the almost
satisfactory sense of it.

Video Interview (VI): On Jejemons

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon, Videos | Bidyo on June 6, 2010 at 2:10 am

Video interview (VI) sa akin ng grupo nina Karen Fordan atbp para sa kanilang STS na klase sa panuto ni Dr. Fidel Nemenzo nitong Mayo 2010, Summer 2009-2010 sa UP Diliman. Tungkol ito sa Jejemons; mayroon itong apat na bahagi, ngunit dahil lampas sa sampung minuto ang ikalawang bahagi, binura agad ito ng Youtube. Kaya narito ang tatlong bahagi ng nasabing VI:

Jejemons | On Jejemons – Interview with Mykel Andrada Part 1

Jejemons | On Jejemons – Interview with Mykel Andrada Part 3

Jejemons | On Jejemons – Interview with Mykel Andrada Part 4

Negosyong Nikotina o Kung Bakit Nakadidilaw ng Ngipin ang Yosi*

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on June 6, 2010 at 2:02 am

Unang nalathala rito: Negosyong Nikotina o Kung Bakit Nakadidilaw ng Ngipin ang Yosi*.

Matagal na rin akong naninigarilyo, simula pa fourth year high school. Natagpuan namin ng matalik kong kaibigan noon ang halina ng sigarilyo, ilang buwan bago kami opisyal na magtapos ng high school: bonding moment, ideya ng pagiging cool, sense of freedom, at sense of maturity. Pinaso pa nga namin ang bahagi ng aming braso bilang simbolo ng wagas na pagkakaibigan (pero ngayon, kahit sa Facebook, hindi na kami nagpapansinan).

Pero kahit na may ganito kaming mga ideyang ikinakabit sa paninigarilyo, nananatili na kahit nasa labas na kami ng kampus, alam naming may mali sa aming ginagawa. Ano pa nga ba’t bago maglabas ng istik at bago magsindi nito ay titiyakin naming nakakubli kami mula sa paningin ng aming mga guro at ng mga posibleng sumbungerong kaklase o kaeskwela. Ano pa nga ba’t ikinukubli namin noon sa aming mga magulang at kamag-anak na kami ay naninigarilyo dahil sa takot na makagalitan o mapagsabihan.

Alam naman naming hindi nakabubuti sa kalusugan ang paninigarilyo. Na nakasisira ito ng ozone layer at ng katawan ng tao. Ilang beses ko nang sinubukang huminto. Una, nang wala na akong pambili ng yosi. Ikalawa, nang lagi na lang akong may ubo, tonsillitis, herpes (singaw!); halatang humihina ang immune system. Ikatlo, nang muli na naman akong atakihin ng pag-uubo, pagtotonsillitis, pagheherpes (singaw nga!). Pinakamatagal ko itong paghinto ng paninigarilyo; kulang-kulang isang taon akong di nagnikotina! At simula nga ng nakaraang taon, matapos na naman akong makatikim ng yosi sa Baguio, dahil malamig at cool tumoma nang may visual effect ng usok ng yosi, ay kinakabayo na naman ng nikotina ang aking sistema.

Ang love-hate relationship ng tao at sigarilyo ay sinusubaybayan ng mundo. Sa Pilipinas, hindi nga ba’t plano ng Department of Health (DOH) na ilakip sa mga pakete ng sigarilyo ang iba’t ibang graphic warning tungkol karima-rimarim na epekto sa katawan ng tao na ibinubunga ng adiksyon sa nikotina? Habang pinaplano ito ng DOH, mamamasdan namang mas intensibo ang paglalako ng mga kumpanya ng tabako: kabi-kabilang patalastas sa radyo, telebisyon, diyaryo at internet. Sa mga umpukan ng inuman, bumabalandra ang mga seksing babae sa pagbebenta ng Marlboro, inaakit ang kalalakihang lango at namimilog ang mga mata upang bumili ng mga pakete ng nikotina. At hindi nga ba’t nung kasagsagan ng eleksyon at matapos ang eleksyon ay isa sa pinagpiyestahan ng mainstream midya ay ang nakuhanang bidyo ng paninigarilyo ni Noynoy Aquino?

At dumami ang spekulasyon hinggil sa pagyoyosi ng bagong tuta ng imperyalismo. Maraming payong kaibigan at payong kaaway ang nakuha ni Noynoy: May batas na nagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga gusaling pampamahalaan, kabilang rito ang Malakanyang. Maaaring maging isyung panseguridad para kay Noynoy ang paninigarilyo sapagkat kakailanganin pa niyang lumabas ng kaniyang opisina at ng mismong Malakanyang para makapagsuba. Puwede ngang itanong kay Noynoy kung “Paano niya paglilingkuran ang bayan kung dumaragdag siya sa pagsira ng kalikasan?” Sa primarya, dalawang landasin ang pinatutunguhan ng mga ipinupukol na komento sa pagyoyosi ni Noynoy: una, isyung pangkalusugan at ikalawa, isyu ng politikal na paninindigan. Malinaw sa sagot ni Noynoy, tulad ng karamihan ng walang politikal na katatagan (o political conviction) sa pagtigil sa paninigarilyo, ay susubukan niyang magbawas ng paninigarilyo.

Ano ngayon ang maaaring mabasa mula sa ganitong pahayag ni Aquino?

Una, na si Noynoy Aquino, tulad ng maraming Pilipino, ay produkto ng isang mahaba at bayolenteng pamamayagpag ng kapitalistang negosyo ng industriya ng nikotina sa Pilipinas. Na ang adiksyon sa nikotina ay isang sistematikong pagkokondisyon ng mga negosyanteng tulad ni Lucio Tan upang tangkilikin ang kanilang mga produkto. Ikalawa, na ang paninigarilyo ay isang luhong mamamasdang mula sa iba’t ibang uring panlipunan; mahirap man o mayaman ay naninigarilyo. Ikatlo, ngunit bagama’t ang pagpapakatanga sa nikotina ay luhong matatagpuan sa halos lahat ng uring panlipunan sa bansa, mayroon pa ring panlipunan dimensiyon o pag-uuri ang paninigarilyo. Hindi dapat ituring na “the great equalizer” ang paninigarilyo. Sa pangkalahatang tanaw, mas mura ang yinoyosi ng mga magsasaka at manggagawa kaysa sa sinisigarilyo mga negosyante, artista, yuppie at politiko. Ikaapat, na dapat nang pagsikhayan ng pamahalaan, at maging ng progresibong kilusan, ang malinaw na programa sa paghinto sa paninigarilyo bilang bahagi ng tunay na pagpapalayang panlipunan.

Ikalima, na dapat magkaroon ng rekognisyon na ang monopolyo ng iilan sa industriya ng tabako sa bansa at sa pandaigdigang saklaw ang tunay na nakikinabang sa kolektibong paghithit ng mga mamamayan. Kung kaya’t huwag nang magtaka na bagama’t may produktong pangkalusugan na maaari namang sentrohan ng naturang industriya, mas nakaimbudo pa rin ito sa intensipikasyon ng adiksyon sa nikotina. Ikaanim, at sa kasong ito, ang susunod na lider-lideran ng bansang si Noynoy ang mangunguna sa patuloy na paninilaw ng mga ngipin ng ating lipunan.

Salamat kay Teo S. Marasigan sa pagpapaalala na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng paninilaw ng ngipin, hindi ba, Noynoy? 🙂

June 5, 2010. 4:55am. Iba, QC

Sa Pag-ibig ng Tubig (Halaw)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on June 5, 2010 at 7:51 pm

Halaw ni Mykel Andrada
Orihinal sa Aleman ng “I Want to Go with the One I Love” ni Bertolt Brecht

Nais kong magpaanod sa kaniya.
Ayokong sukatin ang lakas o taas ng alon.
Hindi ko tiyak kung ito’y may saysay.
Ni ayokong malaman kung basa ang kaniyang puso.
Nais ko lang magpatangay sa pag-ibig ng tubig.

June 5, 2010. 7:26pm. Iba, QC.

* * * *

I Want To Go With The One I Love
Bertolt Brecht
Salin sa Ingles na nasa: http://www.poemhunter.com/poem/i-want-to-go-with-the-one-i-love/

I want to go with the one I love.
I do not want to calculate the cost.
I do not want to think about whether it’s good.
I do not want to know whether he loves me.
I want to go with whom I love.

Berso 3, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on June 5, 2010 at 5:24 am

Ang elektronikong mensahe ay nagsisinungaling:
Kapag sinabi nitong lumabas kayo para kumain
Nangangahulugan talaga iyong paghahalikan
Sa loob ng sinehan. Kapag nagyaya itong manood
Ng sine, nanghihikayat talaga itong looban ninyo
Ang isa’t isa sa de-oras na mga silid-tulugan.

Mykel Andrada. June 5, 2010. 5:22am. Iba, QC

Berso 2, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on June 2, 2010 at 1:49 am

Bagama’t mailap ako’t mabagal humagilap
ng isasagot na mga salitang-kahulugan
sa bawat linya mong nagtatanong, nahihigit
ng aking mga tainga ang aking mga labi
upang lumalang ng ngiti. Kahit ang aking
mga mata’y kumukurinot sa bawat palipad-hangin
ng mga kahulugan, at ang aking mga kilay
ay parang humahapong mga daliring
tinitipa ang bawat guhit at gaspang
ng tila tiklado mong mga palad.

Mykel Andrada. June 2, 2010. 1:42am. Iba, QC.