e-mykel

Archive for February, 2014|Monthly archive page

FBI: Ang Cesar Virata Iskul of Biznez, Gusaling SM, at ang STS (Smokescreen to Tuition Increase Scheme)

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on February 18, 2014 at 3:31 pm

Facebook na panayam ni Julian Bautista Bato para sa Philippine Collegian. Pebrero 18, 2014.

1. Anong masasabi niyo po sa moves ng BOR na palitan ang pangalan ng CBA to VSB. Pati na rin po yung sa Henry Sy.

Mas malinaw ngayon na tungo sa pribatisasyon at komersyalisasyon ng UP education ang tunguhin ng BOR sa lisyang pamumuno ni Alfredo Pascual. Pera-pera na lang pala talaga ang usapin, at hindi integridad ng akademikong programa. Sa paggugumiit ni Pascual at ng kanyang mga kasapakat na gawing Virata School of Business ang pangalan ng CBA, ipinapakita ng administrasyon ng UP na isa rin itong imperyong napakatigas ng ulo — ayaw kumilala at magwasto ng pagkakamali.

Una, alam na ngang iligal na ipangalan sa tao ang pangalan ng akademikong kolehiyo at programa ay sige pa rin. Malinaw rin na taksil sa pamantasan at sa pamahalaan ang isa sa nagpaigting ng Batas Militar sa bansa. Ikalawa, pera-pera na lang pala talaga. Dahil sa pangakong donasyon sa UP para lang ipangalan kay Virata ang CBA ay nangangayupapa si Pascual. Antawag riyan ay alipin ng salapi, tagasakripisyo ng akademikong integridad ng pamantasan. Isama pa ang pagpapangalan ng isang gusali kay Henry Sy dahil lamang rin sa pera, habang yung mayroong mga tunay na ambag sa pagiging “Pamantasan ng Bayan” ng UP ay isinasantabi, kinakalimutan, o di kaya’y hinahayaang mabulok ang pangalan at prinsipyo sa sulok-sulok ng unibersidad. Sa halip na itaguyod ang karangalan, prinsipyo at mapagpalayang akademikong mga programa, pinapapasok tayong lahat sa lohika ng kapital. Mabuhay ang kapitalismo!

Kung dati’y mayroong pangako si Pascual na pag-iibayuhin ang akademikong kalayaan sa unibersidad, at ang pagpapanumbalik ng pagiging Pamantasan ng Bayan ng UP, lumilitaw ngayon na hindi naman pala ito talaga ang tunguhin ng administrasyon ni Pascual. Wala itong ipinagkaiba sa sunud-sunuran sa neoliberalismo, sa gahum o kapangyarihan ng pera. Kailangang matuto tayo mula sa karahasang ito ni Pascual at ng kanyang mga kakamping negosyante sa BOR. Isa ito sa pinakamarahas na panahon ng ating pamantasan, at hindi tayo dapat magwalang-kibo.

2. At ano po masasabi niyo sa STS bilang pinalitan lang ng pangalan ang STFAP at wala talagang naganap na reporma?

According to UP’s website, UP uses the adage: “Shaping minds that shape the nation.” Kaya lang anong klase ng paghuhubog ng kaisipan ang ginagawa ng administrasyon ni Pascual. Hinuhubog tayo upang maglingkod sa interes ng pera o kapital, sa interes ng pribadong negosyo at dayuhan. Hinuhubog tayo upang tanggapin na para makakuha ng UP education ay dapat magbayad ng mahal kahit na magkanda-utang-utang. Pinalitan ang pangalan ng STFAP, tinawag nang STS. Pero hindi naman talaga ito Socialized Tuition Scheme. Lumalabas na ang tunay na kahulugan ng STS ay Smokescreen to Tuition Increase Scheme. Magpalit man ng pangalan, nananatili itong mapagkunwaring socialization. Walang democratic access to UP education. Hindi maikukubli ng administrasyon ni Pascual at ng lahat ng nagdaang UP administrations na naging mas inaccessbile ang UP education dahil sa STFAP.

Sa esensiya, walang pagbabago ang STFAP to STS. Lubhang mataas pa rin ang matrikula sa UP, kahit na ang iminumungkahing rebisyon sa STFAP / STS ay ang pagrollback ng matrikula. Kung kaya, malinaw na kahit na ano pang rebisyon ang gawin sa STFAP / STS, hindi naman talaga ito naglilingkod sa masang estudyante, kundi para lamang gatasan ang mga estudyante, magulang at pamilya.

Advertisements

FBI: Globalisasyon, Mga Kurso ng DFPP at ang Penomenon ng Degree Program With Available Slots (DPWAS)

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on February 18, 2014 at 3:22 pm

Mga sagot ko sa Facebook na panayam ni Julian Bautista Bato para sa Philippine Collegian. Enero 31, 2014.

1. Ano po masasabi niyo na most of the freshman population ng DFPP courses ay galing DPWAS?

Nangangahulugan ito na may problema hindi lang ang sistema ng edukasyon ng UP kundi ang buong sistema ng edukasyon ng bansa. Symptomatic ito kung anong kaisipan ang itinuturo ng gobyerno at ng mga pribadong korporasyon sa ating mga mag-aaral — ang kumuha ng mga kurso na madaling pagkakitaan o may future sila ayon sa pamantayan ng mga kapitalista at ng gobyernong ibinebenta ang lakas-paggawa ng ating mga gradweyt at estudyante. Kung kalakhan ng populasyon ng DFPP freshmen ay mula sa DPWAS, ibig sabihin nito ay hindi prayoridad o wala sa hinagap ng mayorya ng mga nag-exam at nakapasa ng UPCAT ang mga kurso ng DFPP na maituturing nating makabayan.

Ibig sabihin rin nito na sa mata ng mga negosyante at ng mga taong naimpluwensiyahan ng kaisipang maka-kapitalista na hindi profitable o marketable course ang mga kurso sa DFPP. Framework ng edukasyon na sa pangkabuuan ang kailangan nating suriin sa sitwasyong ito.

Malaki ang implikasyon ng ganitong sitwasyon sa takbo ng pag-aaral sa unibersidad. Sa totoo lang, hindi lang naman sa DFPP o sa UP ito nangyayari kundi maging sa iba pang mga SUCs at private universities — napipilitang kumuha ng kurso ang mga mag-aaral sa mga may available na slots na lamang. Kaya ang learning process minsan ay wala sa kanilang puso at isip. Ang nagiging aktitud ay basta makagraduate, o makapag-shift sa marketable o gustong course, o makalipat sa ibang kolehiyo. Sa halip na ang maitatak sa mga mag-aaral ay ang makabayang paninindigan bukod pa sa pang-akademikong kahusayan.

2. Bakit kailangan po pag-aralan ang Filipino sa panahon ngayon?

Hindi lamang Filipino bilang wika ang inaaral sa DFPP. Nariyan ang Araling Pilipino (Philippine Studies na Interdisiplinari), Panitikan ng Pilipinas at Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Mahalagang pag-aralan ang Filipino dahil ang isang mamamayan na hindi batid at hindi nagmamahal sa kaniyang sariling wika at kultura ay may mababaw o walang pagmamahal sa tunay na diwa ng pagiging makabayan at paglilingkod sa bayan.

Siyempre, panawagan rin ito sa mga guro mismo ng DFPP at sa iba pang mga guro — na ang pagtuturo ng Filipino at iba pang mga asignatura mula sa DFPP ay isang paninindigan at isang responsibilidad — ang ipamutawi ang makabayang posisyon — laluna’t sa gitna ng globalisasyon at komersyalisasyon ng edukasyon — sa gitna ng pagprayoritisa ng gobyerno at ng burgis na akademiya sa mga marketable at pro-modern slavery na mga kurso — KAILANGANG MANINDIGAN at magpamutawi ng makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon. Para saan pa ba tayo nag-aaral? Given na yung para sa sarili at pamilya, para makakain at makaahon sa hirap. Pero DAPAT para sa bayan, para lahat ng mamamayan, balang-araw, ay makapag-aral at mabuhay nang maalwan.

Sa kultura natin ngayon na masyadong mabilis, walang malalim na pagkakilala sa identidad na Pinoy, at walang malalim na dungkal ng makabayang diwa, may higit na pangangailangang pandayin ang makabayang edukasyon.

FBI: Ang Paglilihis ng Burgis, Elitista, at Reaksyonaryong Mass Media

In Uncategorized on February 13, 2014 at 3:07 am

Mga sagot sa mga katanungan ni Elijah Felice Rosales ng Ang Pahayagang Plaridel ng De La Salle University na ipinadala sa Facebook noong Pebrero 7, 2014. Nasagutan noong Pebrero 13, 2014:

 

1. Bakit mas tinatangkilik ng masa ang mga kontrobersyang walang kahalagahan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay?

Kailangang linawin na hindi ang masa ang may kasalanan sa pagtangkilik ng mga kontrobersyang tila walang kabuluhan sa araw-araw na buhay. Kung mapapansin, hindi ang masa ang pumipili ng mga isyu o usapin na pinatatampok sa diyaryo, radyo, telebisyon, internet, social networking sites, at iba pang midya. Kung sino ang mga may-ari, editor, reporter, at siyempre ang kapangyarihan ng gobyerno para mang-impluwensiya, ang silang nagdidikta ng lalamanin ng mass media. At ito ang isinusubo sa mga tao. Halimbawa, tuwing mayroong mahahalagang usapin tulad ng nakaambang pagtaas ng presyo ng langis at kuryente, at tumataas na tantos ng kahirapan at pagsasamantalang pang-ekonomiya at pampolitika sa bansa, magkakaroon ng “diversionary tactics” ang Malakanyang at ang ABS-CBN (bilang pribadong instrumentong pangmidya ng gobyernong Aquino) tulad ng pagpapatampok ng lovelife ni Benigno S. Aquino III at ng iba pang maliliit na usaping pinalalaki. Tinatangkilik ito ng masa dahil ito lamang ang isinusubo ng mass media sa mamamayan.

Bukod rito, kailangang huwag nating ipagkamali na ang simpleng pang-araw-araw na huntahan o talakayan ng mamamayan hinggil sa mga “tsismis” ay kanilang kahinaan nang buong-buo. Dapat mabatid na ang tsismis ay isang uri ng komunikasyon – at ang tsismis ay isang sosyo-politikal na penomenon. Maaari itong maging lunsaran ng mga ideya, kuro-kuro, panig at posisyon ng mamamayan tulad ng pampublikong opinyon – labas sa nais likhain ng estado at ng mga korporasyong pangmidya. Noon ngang panahong dinodomina ng mga kolonisador na Kastila ang mga Pilipino, ang tsismis at huntahan ay naging epektibong instrumento – sa tradisyong oral – upang magpaabot ng mga mensahe ng rebolusyon ng Katipunan at mamamayan. Ang mga polyeto ng Katipunan na hindi umaabot sa mamamayan ay pasalindilang napaaabot sa kalakhan ng mamamayan.

 

2. Malaki ba ang epekto ng midya sa paglilihis ng atensyon ng taumbayan sa mga napapanahong isyung-panlipunan?

Tandaan na ang mass media sa bansa ay hindi pag-aari ng masa. Ito’y pag-aari ng malalaking kapitalistang pamilya, ng malalaking korporasyong nakikipagkasundo sa mga dayuhang entidad at negosyo, at ng mismong gobyerno ng bansa. Bagama’t may mga alternatibong media, tulad ng mga community radio, community newspaper, progressive websites at social media sites na napaglulunsaran ng mga tunay na isyung panlipunan, ang kalakhan ng mass media ay pinatatakbo lamang ng iilan. Kung kaya ang paglilihis ng atensyon ng taumbayan ay masasabing naitatawid ng burgis at elitista at reaksyonaryong mass media. Ginagawa nila ito sa pinakasimple at pinakakomplikadong pamamaraan:

Una, sa pamamagitan ng mga patalastas o paid advertisements. Tulad nang ginawa ng Meralco nito lamang nagdaang buwan at hanggang sa kasalukuyan – dahil tumatabo ng protesta ang pagnanais ng Meralco na igiit ang hindi-makataong pagtataas ng presyo ng kuryente, nagsagawa ng samu’t saring petisyon at pagkilos ang mga organisadong kilusan at mamamayan laban sa mga panlilinlang na ito. Naglabas ng mahabang patalastas sa telebisyon ang Meralco upang takutin at linlangin ang mamamayan. Na hindi naman naging epektibo sa pangkabuuan.

Ikalawa, sa pamamagitan ng pagkomisyon sa mga istasyon, editor, reporter at manunulat ng burgis, elitista at reaksyonaryong midya na bigyang-pokus ang ibang usapin, tulad ng iskandal ni Wally Bayola, ng sensationalized na pagbabalita hinggil sa kaso nina Vhong Navarro at Deniece, at ng iba pang usapin, na bagama’t lehitimong pag-usapan ay kapansin-pansin na labis, sobra ang iniuukol na airtime.

Ikatlo, sa pamamagitan ng mga programa sa telebisyon at radyo, at mga gimik sa iba pang mass media, na inihihiwalay ang mamamayan sa reyalidad. Nilulunod ng mga korporasyon at ng gobyerno, sa pamamagitan ng mass media, ang mamamayan ng mga palabas at balitang puro tungkol sa kasiyahan, pagkain, pinakabagong fashion at gadgets, K-pop, burgis na buhay na ginagawang ideyal at reyalidad, tulad ng buhay ng mga artista, ni Kris Aquino, mga teleserye, Korenovela atbp. na hindi sumasalamin sa buhay at pakikibaka ng mamamayan.

Ito yung tinatawag na metapisika ng mass media – ang magtuon sa fantasya at ideyal upang ihiwalay ang mamayan sa reyalidad ng pakikibaka. Nagtutuon ang mga palabas at programa sa indibidwal at ethos ng kapitalismo, sa halip na palakasin ang kolektibong nosyon ng buhay. Sa halip na siyentipikong ipaliwanag ang mga isyung panlipunan, ginagawa lamang itong balitang ibinebenta, pinagtatawanan, o di kaya’y tatalakayin nang bahagya ngunit isasantabi sa pangkabuuan. Metaphysics is failure to explain reality – at ito ang kinakasangkapan upang gawing indibidwalista ang mamamayan, sa halip na makiisa at magtiwala sa kolektibong pagkilos.