e-mykel

Archive for April, 2010|Monthly archive page

Self-Criticism

In Personal Essay | Personal na Sanaysay on April 20, 2010 at 2:40 am

Marami akong kasalanan kahapon, Abril 19, 2010.

Una, dahil ambagal ko kumilos para maligo-magbihis at umalis ng bahay, dahil nagpuyat ako at huli nang nagising, konting oras na lang ang nailaan ko sa pagdedeposito sa Metrobank at BDO. Lagpas ala-una ng hapon na ako nakaalis ng BDO. E, ala-una ang unang klase ko ng Pan Pil 17 sa UP ngayong summer. Interestingly, around 1:30pm ako dumating sa CAL New Building. Nagklase ako, humingi ng tawad sa aking mga estudyante, at ipinagtapat ko ang tunay na rason kung bakit huli na naman ng 30 minuto ang kanilang guro. Sabi ko nga kanina, something like, “Hay, huli na naman ako dumating. Four out of the five class meetings we had so far, huli ako dumating. Pasensiya na.” Bukas naman ay nasabihan ko na ang unang klase ko ng Pan Pil 17 na 1:30pm na lang sila pumasok dahil tiyak akong mahuhuli ng dating dahil mayroon kaming 1pm APC meeting bukas/mamaya. Pasensiya na.

Ikalawa, hindi ako nakadalo sa pulong tungkol sa graduation protest kaninang 5pm. Dahil matapos ang 1-3pm at 3-5pm na klase ko, ako ay naengganyong magbisikleta bilang ehersisyo. Bago ko pa mabasa ang text ni Vlad, naabutan ko siya sa Filipino Department sa Faculty Center at sinabi nga niyang dala niya ang bisikletang kapapagawa lang niya. Tinanong niya ako kung mayroon ba akong meeting. Sabi ko, “Meron. Pero itetext ko si Lisa kung start na. Kasi gusto ko talagang mag-bike.” Something like that. So ayun na nga. Kahit na nagtext naman si Lisa na nagsisimula na ang meeting ay nag-bisikleta pa rin ako sa Acad Oval. Naisip ko na makakahabol naman ako ng around 6pm para dun sa meeting. Nagkuwentuhan kami tungkol sa article niya sa The POC, yung tungkol sa Jejemon, tapos tungkol sa mga estudyante namin, at marami pang iba. Medyo mabigat ang bisikleta (hindi ako nagrereklamo. Nagpapasalamat nga ako kasi pinahiram ako ng bike), tapos paglagpas namin sa Quezon Hall palapit sa College of Music, pataas ang daan sa lugar na iyon, na-out of balance ako! Napatili/napasigaw ako at alam kong maraming napatingin sa akin. Buti na lang alert si Vlad nang matawag ko siya, kaya hindi ko naman siya nasagasaan o nabangga kahit padiretso ako sa kaniya. Natulungan niya ako na hindi tuluyang mabuwal. Nataranta ako at para bang pagkatapos nung insidenteng iyon ay wala na akong kumpiyansang magbisikleta; na para akong kinakabahan. May nakasalubong pa kaming estudyante ko dati na nagja-jog rin saka mga taga-Kule. Siyempre, lagpas 6pm na kami natapos magbisikleta/jog. Inamin ko naman ito kina Lisa at Lanie habang hinihintay naming dumating si Tonchi Tinio, first nominee ng ACT Teachers Partylist, sa bahay nila ni Trina Tinio, para sa ika-40 kaarawan niya. Pasensiya na.

Ikatlo, nag-last hirit pa ako ng pagbibisikleta bago ko ibalik kay Vlad ang kaniyang bisikleta. Habang nagku-cool down si Vlad ay nagmabilis ako ng pagbibisikleta mula tapat ng Faculty Center hanggang sa bago mag-Engineering, tas kanan pabalik ng Faculty Center area. Hindi ko mahanap si Vlad. So inassume ko na naglakad siya uli sa ruta ng Acad Oval para mag-cool down. So pagkalagpas sa Faculty Center / Vargas Museum, bumalik ako para kumaliwa sa kanto ng mga kiosk sa tapat ng Faculty Center. Nang maka-kaliwa na ako, lumingon/luminga ako sa kaliwa ko, sa mga bench ng kiosks, para tanawin kung naroon si Vlad. Pagbawi ko ng tingin pa-diretso sa daan, nakita kong malapit na ako sa isang morenong lalaki na patawid at nakalingon naman sa kaniyang kanan. Napasigaw ako na parang hindi ko naman narinig ang boses ko sa sobrang kaba at takot na makakabundol ako. Hindi ko alam kung nasagasaan ng mga gulong ng binibisikleta ko ang mga paa ng lalaking nakasuot ng rubber shoes. Hindi ko rin alam kung nahagip ko siya o nasaktan. Wala akong narinig sa kaniya. Nang makapreno ako, lumingon ako sa kaniya at nagsabing “Kuya, sorry po talaga. Sorry po. Hindi ko po kayo nakita.” Nakatingin lang siya sa akin. Hindi. Nakatitig siya sa akin na parang ako na ang pinakakinasusuklaman niyang tao. Para siyang militar o pulis kung makatingin. Sorry ako nang sorry pero lalo lamang tumatalim ang tingin niya sa akin. Natrauma ako sa mga tingin ni Kuya. Naguilty ako na baka nasaktan ko siya. Naguilty ako lalo nang hindi ako lumapit sa kaniya dahil takot ako na baka sapakin ako. Naguilty pa akong lalo nang nag-sorry ako ng pinakahuli kong sorry sa kaniya at pinaandar ko na ang bisikleta nang hindi siya nililingon. Nang matagpuan ko na si Vlad malapit sa College of Music, ikinuwento ko ang insidente. Sa bahay ni Tonchi, naikuwento ko rin ito kina Lanie, Lisa at Alnie. Sinabi ni Lisa na hindi naman raw masakit ang gulong ng bisikleta. Sinabi ni Alnie na hindi ko naman raw sinasadya. Hindi ko na alam kung sino sa kanila ang nagsabi na hindi rin naman raw kasi nakatingin yung lalaki. Actually, yung sinabi ko sa lalaki, yung pinakahuling sorry ko, ay mayroon pang kasunod. Something like: “Sorry po talaga, Kuya. Hindi ko po sinasadya. Saka hindi rin naman po kasi kayo nakatingin.” At alam kong medyo naiinis na rin ako nun, kasi nga ang talim ng titig ng Kuya. Ang kupal ko lang, ‘no? Pasensiya na. Guiltyng-guilty lang talaga ako. Na nung umiwas na akong dumaan dun sa kiosk kaya sa ruta ng likod ng Quezon Hall ang nilakaran ko pa-Faculty Center at na nung nagbibihis na ako sa kuwarto ko sa Faculty Center at nasa dyip na ako pa-Workers Union malapit sa Shopping Center, naisip ko na balikan kaya yung lalaki para alamin kung nasaktan o napilayan siya, at baka kailangan ng pera o tulong. May bitbit nga palang plastik bag yung kuya. Tapos naisip ko na huwag na lang siyang balikan, kasi nga, baka naman hindi siya nasaktan. Sana nga hindi siya nasaktan. Habang nag-aabang ako ng jeep sa tapat ng Faculty Center at habang papalayo ang nasakyan kong jeep, tinatanaw ko ang mga kiosk, ang mga bench sa kiosk, kung andun yung lalaki. Hindi ko siya nakita. Guilty pa rin ako. At tulad ng tinext ko kay Vlad kahapon, na-trauma ako. Pasensiya na, kuya. Pasensiya na talaga.

Ikaapat, hindi ko nasabihan ang mga taga-Acad Union na may handaan kina Tonchi Tinio ng ACT Teachers Partylist, no. 39 sa balota, ang tunay na tinig ng teachers, dahil ika-40 kaarawan niya. Pasensiya na.

Kilay

In Poetry | Tula on April 14, 2010 at 3:53 am

KILAY

Mykel Andrada

Tumutulay ka sa aking mga kilay. Nagpapaakyat-panaog ka sa mga hagdan ng aking noo. Hindi mapakali sa pagkislot ang aking mga kilay, parang mga tutubing kalabaw na namamastol sa mga damong ligaw sa tabi ng kanal noong ating kabataan.

Naglalambitin ka sa aking mga kilay. Nagpapadausdos ka sa mabubuhok na mga padulasan ng aking noo. Hindi mapakali sa pagkislot ang mga kilay, parang mga tutubing karayom na nagbabalatkayong pumpon ng maninipis na pananggalang-damo ng mga bulaklak na ligaw sa tabi ng kanal noong ating kabataan

Kuntil

In Poetry | Tula on April 14, 2010 at 3:52 am

KUNTIL

Mykel Andrada

Magkatalikod tayong ginugupitan ng mga suki nating barbero. Palihim kitang sinusulyapan sa salaming nakaharap sa akin. Sa simula’y malinaw kong nakikita ang iyong kuwadradong mukha: pinananahan ng ilang umaga-tanghali-hapon-gabi ng pagkabilad sa pagsasanay. Kagagaling lang ng ilang taghiyawat ng iyong kabinatahan.

Pero habang tumatagal, lumilikha ng napakaraming mukha mo ang salaming nasa harap ko, na nakatapat sa salamin sa harap mo. Parang magkakasunod na bintana ng nagmamadaling tren ang magkakasunod na mukha mong lumalagos at nauulit sa nagtititigang magkaharap na salamin.

Pakiramdam ko’y nahuli mo akong pinagmamasdan ka. Biglang nanliit pang lalo ang singkit mong mga mata, waring sinisita’t sinisingil ako sa pananampalasan. Ganiyang titig ang itinuturo sa inyong paaralan: titig ng tigre: ang titig na dadamba sa sinumang kaaway ng inyong pamantasan at ng inyong pamahalaan. Umuulan ng mga higad ng buhok sa puting tapetang nakalambong sa iyong mga balikat, nakayakap sa iyong leeg, nakadantay sa iyong mga hita.

Binawi ko ang aking tingin, pinalamlam ang mga mata, at nagpanggap na ako’y hinahaltak ng panaginip. Sa pagkakapikit, mas malinaw kong naririnig ang nangangaligkig na pantabas ng buhok. Para akong pusang ipinaghehele ng pautay-utay na pagdapo at pagsayad ng likod ng kaliwang palad ng barbero. Nalango ako habang lumalabo sa aking pagkakapikit ang patapos mo nang tabas na 4×6.

Maya-maya’y idinilat ko na ang aking mga mata. Naabutan kong pinaiidlip ng iyong barbero ang ipinangkaingin sa gubat ng mga higad sa iyong ulo. Tumayo ka mula sa pagkakapako ng iyong tumbong sa panandaliang trono. Pinagpag mo ang mga kumapit na higad sa iyong sentido, tenga, leeg at damit. Pinakanti mo sa iyong kanang hinlalato ang kuntil sa kaliwang tainga mo. May kumapit na higad na hibla sa dulo ng iyong hinlalato. Tumalikod ka sa iyong salamin, mabilis na naglakad papalapit sa aking salamin.

Tinabig mo ang aking barbero. Gumulong na mga itlog ang aking mga mata. Ang kanang hinlalato mo, ginawa mong nguso ng baril. Idinildil mo ito sa aking kaliwang sentido. Binuhawing palayan ang iyong nagsangang ngisi. Nanuklaw ang iyong dila: “Huli ka! Wag kang kikilos!”

****

Para sa iba pang tula, basahin at/o i-download ang PDF version: kuntil atbp

Gulugod

In Poetry | Tula on April 12, 2010 at 5:07 pm

Gulugod

Mykel Andrada

Sa paglalaro ng luksong baka, kailangang matibay ang gulugod. Laluna ngayong malalaki na tayo at ang bigat ng mundo’y dumagdag na sa timbang ng ating katawang-lupa-tubig.

Tulad nang dati, tatlong bagay lamang ang puwedeng lalangin sa mga kamay tuwing pumipili ng taya: bato, papel at gunting.

Bato, papel at gunting, sabihin ninyo sa akin, sino sa inyo ang dapat kong piliin? Nilamukos ng papel ang bato.

Bato, papel at gunting, sabihin ninyo sa akin, sino sa inyo ang hinirang ng aking kalaban at kaibigan? Pinaduwal ng bato ang gunting.

Bato, papel at gunting, sabihin ninyo sa akin, bakit ngayong malaki na kami, ako’y balagong pa rin? Pinilasan ng gunting ang papel.

Sa bawat lukso mo, dumodoble ang bigat at sakop ng lapat ng mga palad mo sa aking likuran. Namememorya na ng aking likuran ang haba ng iyong mga daliri, ang pitik ng pulso sa iyong pagdantay-lipad, ang pagpapakawala mo ng hininga sa tuwing magsasanga ang iyong mga binti upang laktawan akong balagong-talo.

Unti-unti namang umigkas ang aking murang buntot, nanigas ang aking gulugod, nangalisag ang mga balahibo, nanuko ang balikat. Nag-unahan ang mga pakiwari sa lahat ng lagusan ng mga braso, kamay, hita, binti, at paa. Nagkarera ang mga hinuha sa mga lansangan sa magkabilang gilid ng aking gulugod, paakyat sa batok, nanahan sa dulo ng mga balahibo, hanggang sa naging pulahan ang aking mga tainga.

Sa mga pakiwari’t hinuhang ipinailandang ng paglapat ng iyong mga palad sa aking likod, nayanig ang aking mga tuhod, tumuping parang eroplanong papel, nagpalaot sa dagat ng hangin.

Nabuwal ako’t sumadsad ka sa akin. Ang mga braso’t binti mo’y parang katawan ng paborito kong damit na lumatag sa akin. Lihim akong nagpadungaw ng ngiti habang inaalala na sa luksong baka nga pala, kailangan ring matibay ang tuhod.

Puyo

In Poetry | Tula on April 12, 2010 at 12:43 pm

PUYO

Mykel Andrada

Nag-uunahang dumampi sa ating mga bumbunan ang mga kamay na likidong-liwanag. Manaka-naka itong hinaharangan ng pulang bandilang kanina mo pa bitbit. Sinasalimpad ng hangin ang bandila: makapal na dilang lumalagatok, nilalawayan ang mga pisngi ng langit.

Paghapon natin sa may liwasan, yumuko ka’t ipinangsapin mo sa sahig ang pulang bandila. Naging talon ng tubig ang mga hibla ng iyong buhok, dumaloy patungo sa lambak na iyong noo, sa talampas na iyong ilong, sa mga ilog na iyong mga mata, sa mga pampang na iyong magkapisang labi.

Inupuan mo ang malalaking dilaw na mga titik na L at F. Tagibang ang iyong pagkakaupo dahil sa kapal ng mga mumurahing papel na tigib ng mga letra, salita, pangungusap, tandang padamdam, at iba pang inianak na mga titik at guhit ng panahon.
Tiklado ang iyong tagiliran: tinipa ko ito at agad kang kumislot na parang pusang pinitikan ng buntot. Inginuso ko ang iyong likuran. Tumingkayad ka at sumilip ang puting telang nakakubli; ang puting nagkukubli; ang puting telang nagkubli; ang puting telang tagakubli. Agarang sinaklot ng iyong kaliwang palad ang mga papel.

Hindi ka na nag-atubiling tumayo nang tuluyan, itinuwid mo ang nakahukot na balikat. Naging talon ng tela ang iyong saplot na may disenyong “Free the 43!”, ikinubli ang sumusungaw na mga hibla sa likod ng puting telang nakakubli, nagkukubli, nagkubli, tagakubli. Ikinubli ang mahaba’t makapal na ahas na nakapulupot sa balakang ng iyong pantalon.

Lumakad ka’t huminto’t lumakad at nakipagdaupan ng palad at ipinamahagi ang mga papel. Nakakuyom na ang kaliwang kamay mo pagbalik mo sa hinimpilang bandila. Tinuhuran mo ang malaking dilaw na titik S. At doon ko lang napansin na mayroong kang kambal na alimpuyo sa iyong bumbunan, hinahawan ang landas at direksyon ng mga hibla ng iyong buhok; hinihigit-pinawawalan, binibitiwan-kinakabig at dinadakip-pinalalaya ako tungo sa mga sentro de grabedad nitong naghihilahang mga puwersa ng tinatsulok na mundo.

Modem

In Poetry | Tula on April 11, 2010 at 4:27 am

Tinapik-tapik ko ang modem. Tinanggal-binalik ko sa pagkakasaksak ang nguso ng mga kable. Dalawa sa apat na dilawang liwanag lang ang kumikibot-kibot. Sinusumpong ang telepono, pati mahabang utot ay ayaw iparinig.

Depamilyarisasyon ng Philosophia naturalis principia mathematica* (1687) ni Sir Isaac Newton

In Fiction | Kuwento, Poetry | Tula on April 11, 2010 at 4:25 am

Depamilyarisasyon ng Philosophia naturalis principia mathematica* (1687) ni Sir Isaac Newton

ni Mykel Andrada

Unang Batas

Mga paa ang ipinanggising niya sa akin. Kinatok-katok nito ang aking tagiliran. Bagong-tabas pala ang mga kuko kaya parang inimperdible ang aking bilbil. Tinawag ko ang lahat ng puta dahil sa lawak ng sakit na dulot ng maliliit na tusok ng kuko. Tumigil ang kaniyang paa sa pagdidildil at naulinigan ko ang idinighay niyang “March 8 pa naman ngayon.” Muli kong ipinikit ang aking mga mata at nagbingi-bingihan sa kaniyang mahinahong mga salita. Ngumuso ako habang naghilik-hilikan. Narinig ko ang mga yabag papalayo sa sopang kinahihigaan ko. Nagreklamo ang pinto sa banyo. Narinig kong tinambol ng tubig ang timba. Maya-maya’y sinampal at tinampal na ng napakaraming mga palad ng tubig ang mga pader at sahig ng banyo. Pagkatapos ng ilang pagbuhos at nahihiyang paghinga, narinig kong nagmumog ang kubeta.

Nakaupo na ako’t binibilang ang mga nunal sa aking mga kamay at braso nang biglang ngumuyngoy ang pinto ng banyo. Narinig ko ang basang paghalik ng kaniyang mga talampakan sa sahig. Humapon sa magkabilang bunganga ng aking ilong ang mababangong labi ng kaniyang ipinangsabon. Palapit nang palapit sa akin ang basang mga yabag, hanggang sa naramdaman ng aking hinlalato at hintuturo sa kaliwang paa ang nangungulit na hinlalaki ng kaniyang kaliwang paa. Namangka ang kaniyang kakulitan sa mga sanga-sanga ngunit magkakarugtong na mga ilog ng dugo. Dumaong ang kaniyang kakulitan sa pagitan ng aking mga hita.

Ikalawang Batas

dumaong ang iyong katapangan sa pagitan ng aking mga hita naglakbay sa aking buong katawanglupa hanggang sa manuldukan sa pagitan ng aking mga mata ngayong magkaharap tayo sa lilim ng liwanag ng buwan sa pusod ng kakanlungan dito sa duyang hinabi pa ng mapaghimalang kamay ng mga kasama dito sa duyang nagsisilbing mga labi ng dalawang punong magkawalay ang nagsisinulid sa kanilang mga ugat ngayong nakalapat ang ating mga likuran sa dibdib ng duyan lumulundo ito upang maging ngiti ng pinagdurugtong na mga puno tila inaabot ang mga armas nating magkasiping sa lupa ang mga mata koy mga mata mo rin at ang buo nating katawan ay mapa ng mga mata mga hiwa at siwang na nagkukurapan at nagkikindatan minememorya ang tereyn ng katawanglupa ang tagiliran ng mga bundok na ipinaghehele ng hangin at ang mga lambak na pinagtitipunan ng pawis walang hindi nasisilo walang hindi nalilimi natatandaan ang bawat gaspang at kinis natutumbok ang bawat textura ng pagsasanib natatantiya ang bawat kapal at nipis nasusuklay ang bawat hibla ng pagiging isa sa napakaraming digma

Ikatlong Batas

Dinumog na ng alikabok ang kaniyang mga paa. Nagsumiksik na ang dumi ng lungsod sa kaniyang mga kuko. Mapatakan lang ng pawis ay tiyak na magpuputik ang kaniyang mga daliri. Mag-a-apat na oras na rin kaming nakikipaghabulan at nakikipaglakaran sa araw at aspalto. Pinaiikot ng nanay na nasa aming harapan ang kaniyang pulang payong na may mga guhit na puti. Ang kaniya namang anak ay nakikipagngusuan sa plastik na baso ng samalamig. Ang payong ay parang trumpo na hinihintay mong mapagod sa kaiikot para mamasdan kung ilang sugat na ang natamo nito sa bakbakan. Mas maraming tama ang natamo ng trumpo, mas beterano na ito sa pakikipagkaratan. Habang hinihingal sa pag-ikot ang payong, unti-unting nasisira ang mga guhit na puti. Sa paghinto sa pagsayaw ng payong at sa pagkawasak ng mga puting guhit, inianak ang sampung puting letra ng panahon: r i a o u s t g l o.

___________________

* Tatlong siyentipikong batas na gumagabay sa pagkilos ng anumang bagay (matter) sa anumang espasyo ang ibinalangkas sa librong ito: (a) An object at rest tends to stay at rest and an object in motion tends to stay in motion in a straight line at constant speed unless acted upon by an external, force; (b) The rate of change of momentum of a body is proportional to the resultant force acting on the body and is in the same direction; at (c) To every action (force applied) there is an equal and opposite reaction (equal force applied in the opposite direction). (http://www.bicambertechnology.com/how-it-works-4.html)

Dalawang Ihi (Jingle) Para sa Imperyong Roman

In Issues| Isyu, Poetry | Tula on April 11, 2010 at 3:58 am

DALAWANG IHI PARA SA IMPERYONG ROMANO
Mykel Andrada

(Sa tono ng pinakapopular na 2010 national election jingle kaya dapat kantahin habang binabasa)

1.
HEY BELATKO JINGLE

Nakaligo ka na ba sa dagat ng pintura?
Nanghamon ka na ba ng mga raliyista?
Yan ang tanong namin,
Tunay ka bang kampi sa amin?

Nalaman n’yo na bang ginipit niya si Chaba?
At ang tutol sa large class, binargas niya nang todo!
At ni-red bait niya ang mga progresibo!

Si Belatko ang siga na Jimmy Santos!
Si Belatko ang tunay na basagulero!
Si Belatko ay nakipagkuntsabahan
Na matanggal ang rehente ng mag-aaral!

Si Hey Belatko
Ay ipagbabawal ang anumang pintura!

2.
EMELDITA* TROMAN JINGLE

Nakaligo ka na ba sa “Ilog ng Basura”?
Nagpakulot ka na ba sa parloristang si Gloria?
Yan ang tanong namin,
Tunay ka bang pangulo namin?

Nalaman n’yo na bang tinanggal niya si Chaba?
Tinanggal si JoeGon, ipinalit si Domingo!
At ang PGH gagawin niyang pribado!

Si Emeldita’y may Pagoda Cold Wave Lotion!
Si Emeldita ang tunay na maraming curlers!
Si Emeldita ang may kakayanan
Na magkulot ng katotohanan!

Si Emeldita Troman
Ang magtatayo ng new chain of beauty parlors!

Mga Itlog, Manok at Kunehong Tinaludtod

In Issues| Isyu, Poetry | Tula on April 11, 2010 at 3:53 am

MGA ITLOG, MANOK AT KUNEHONG TINALUDTOD
Mykel Andrada

*Adik ako sa Pet Society. Tuwing nahuhuli ko ang misteryosong si Hideeni, mamimigay siya ng Easter Eggs para sa buwan ng Marso. Noong Pebrero, mga rosas naman ang ipinamimigay niya tuwing mahuhuli mo siya. Para naman may kuwenta ang aking napaka-burgis na adiksyon, gumagawa ako ng mga taludtod tungkol sa tiraniya nina Roman at Arroyo, gamit ang metapora ng itlog at kuneho.

1.
SINING NG BASAGAN NG ITLOG

Kung kapwa tao ang magkapareha
Tiyaking sa pagitan ng mga hita
Ang mga itlog ay magkapantay sa pagkakalaylay.

Kumasta sa ritmo ng saya
At tiyaking hindi mahihila ng pangamba
Ang mga itlog na dumuduyan.

Dahil iisa lamang ang lohika
Nitong sining ng pagsasagupa:
Matira ang itlog na pinakamatibay!

Pero kung kapwa tao ay mandaya
Sa ganang pandaraya
Tuktukan ng itlog sa mukha! Tuktukan!

2.
ANG PABORITO KONG ITLOG

Ang paborito kong itlog
ay yung pumukol kay Esperon!
Kapwa terorista
ng kaniyang among si Gloria!
Sana’y umulan ng mga itlog sa Malakanyang
at sa bulwagan ng Imperyong Roman!
Sa tindi at init ng kanilang pagrereyna
Sa mga hungkag na pasilyo
ng kanilang malamig na palasyo,
Ang mga itlog ay tiyak na mapiprito!

3.
Nagtatatalon sa tuwa ang kunehong may nunal.
Pumapalakpak ang tenga ng kunehong buhok ay kulot at makapal.
Alam ba ninyo kung ba’t sila nagagalak sa tuwa?
Kasi tinadyakan nila ang batang kunehong sa kanila’y kumokontra!

4.
Limliman ng may nunal na manok ang kaniyang malaking kulot na buhok.
Pagkapisa ng mga itlog, ngumawa ang tatlong Malakanyang na bugok!

5.
Ang graffiti sa Quezon Hall ay bilog na hugis itlog;
Itlog na hugis bilog.
I-shade ang choice na ROMAN RESIGN!

Photoshopped works by Mykel Andrada

Everything is Quiet in the Other U.P. Campuses

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on April 11, 2010 at 3:45 am

Everything is Quiet in the Other U.P. Campuses
Mykel Andrada

In ABS-CBN’s coverage of the March 24, 2010 multi-sectoral protest against undemocratic governance in UP, Empress Emerlinda Roman said that “(1) It’s business as usual in UP. (2) As you can see, everything is quiet in the other campuses. (3) I hope they do not think that they have stopped the operations of UP.”

(1) There’s a degree of truth in her statement: that, indeed, she runs the University as if it were a business enterprise. Do a review of related literature and you will find that the empress’ pet name for UP students is “clientele.”

(2) Then there’s this big curly lie: that elsewhere in UP, as empress claims, everything is quiet. Hmmmm. UP students, faculty members, REPS, administrative workers, doctors, nurses, utility workers, deans and directors who protested in Quezon Hall hailed from the campuses of UP Los Banos, UP Manila, UP Baguio, UP Cebu and UP Diliman.

UPLB is protesting the fascism of their Chancellor Luis Rey Velasco, the militarization of the UPLB campus, Chancellor Velasco’s attacks against student institutions and progressive student organizations, including the political persecution of Student Regent Charisse Banez, the proposed full-scale implementation of the large class scheme in teaching foundation and GE courses, the unjust handling of All UP Workers Union – UPLB Chapter president’s job security issue, among others.

UP Manila’s Philippine General Hospital (PGH) Director Dr. Jose Gonzales was undemocratically “ousted” by Empress Roman and her Malacanang bloc in the Board of Regents (BOR) because Dr. Gonzales is against FMAB, foremost manifestation of plans by the UP and Malacanang administrations to privatize PGH.

Students of the different units of UP Visayas are protesting the administration of Chancellor Minda Formacion’s proposal to increase athletics fees and impose laboratory fees for P.E. courses, without due consultation.

UP Cebu students, faculty members and alumni earlier opposed the administration’s plan to phase out the UP Cebu High School.

The UP Diliman contingent continues to protest the political persecution of and denial of tenure of Sociology Professor Sarah Jane S. Raymundo, the unceremonious unseating of Student Regent Charisse Banez, among others.

Time, distance and financial constraints are the only reasons why protesters from UP Mindanao, who earlier called to “End the Roman Empire,” weren’t able to attend the rally. They are protesting, among others, the re-appointment of the Imeldific Chancellor Gilda Rivero, despite the Commission on Audit’s report on the irregularities related to her 2007 investiture expenses.

UP is in crisis. UP is outraged!

(3) Empress Roman, your Freudian slip tells it all: you are very, very afraid of our collective and principled actions.

END THE ROMAN EMPIRE! ROMAN RESIGN!

Photo by Mykel Andrada

Originally posted in my Facebook Notes on March 25, 2010: http://www.facebook.com/notes/mykel-andrada/everything-is-quiet-in-the-other-up-campuses/377668051635