e-mykel

Archive for December, 2010|Monthly archive page

Berso 12

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on December 19, 2010 at 8:08 am

Nakahabol ako sa parada.

O baka hindi na rin talaga

sapagkat ang aking naabutan

matapos ang paghahanap

sa sarili sa gitna ng dagat

ng mga katawan at ingay

ay ang pagpaswit ng mga kulay.

Hindi kita nakita.

Naroroon ka lang, marahil

kasama ng mga kasama,

nakatingala rin marahil,

matapos ang mahabang

paglalakad, upang pagmasdan

ang pagsipol ng mga liwanag,

upang pakinggan ang pakikipagniig

ng mga piraso ng mga kulay

sa marungis na papel ng langit.

Nagtagpo kaya ang ating mga mata

sa mabilis na pagsabog ng liwanag?

O inapuhap mo kaya ang ibang irisa

na namingwit ng mga lumalangoy

na tala?

 

Mykel Andrada. Disyembre 19, 2010. 7:56am. Maginhawa St., Diliman, QC.

FLIPTOP

In Poetry | Tula on December 15, 2010 at 5:42 am

Fliptop

Mykel Andrada

 

Andami nang bago sa ating pamantasan

Wala na ang mga bangkito sa palikuran

Bawal nang magyosi sa mga pasilyo

Doble, triple na raw ang mga konyo

Ang mga graffiti ay may tapal

One-way na ang acad oval

Bago na ang ruta ng Toki at Katipunan

May sound system na sa isawan

Computerized na ang Form 5

Ang tuition per unit ay one-five

Inuuna ang negosyo

Walang pakialam sa serbisyo

Isinasara na ang UFS

Dinadaya na ang mga test

May building na ang Toyota

May mall pa ang Ayala sa Philcoa

Ang mga kawani’y sinasagad

Binabarat ang benepisyo’t SAGAD

Laos na raw ang mga tibak

Admin na talaga ang rumeresbak

Honor and excellence na raw ang motto

Yan ang sabi ng Romanong Imperyo

Yan ang pautot ng ng mga partidong trapo

Badyet ng SUCs kinaltasan ni Noynoy Aquino

Ang hindi nila magagap

O ang hindi nila matanggap

Ang hindi nila alam

Dahil wala silang pakialam

Na ang hindi nagbago sa pamantasan

Ay hindi napapagod ang mamamayan

At ang mga taksil sa bayan

Paano nga hinuhusgahan ng kasaysayan?

 

Disyembre 15, 2010. Madaling araw. Maginhawa St., QC.

 

Madaling Maging Honorable at Academically Excellent na Estudyante

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon, Personal Essay | Personal na Sanaysay on December 14, 2010 at 2:58 am

Ngayon ko lang muli naranasan na pinagbabangga ang aktibismo at pang-akademikong kahusayan. Walang duda, bahagi ng kontinuum, bahagi ng makapal na sinulid na nagdurugtong sa mga estudyante at sa edukasyon, itong tila magkatunggaling konsepto. Ngunit naroon ang kahungkagan sa mismong perspektiba na magkalaban itong dalawang dulo, pilit na pinaghihiwalay.

Sa buong kasaysayan ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas, wala tayong maituturing na iisang klase ng edukasyon: kalakhan ay nananatiling kolonyal at represibo, sumasagitsit ang komersyalisasyon ng larangang ito, ngunit lagi’t laging sumusulpot, lumalakas at umuunlad ang makabayan at mapagpalayang pagturan sa edukasyon. Laluna nitong nagdaang mga dekada, kung kailan ang kolonyal, represibo at komersyalisadong karakter ng estado at naghaharing uri ay mariing binabangga ng mapagpalaya’t progresibong edukasyon ng mga kilusang panlipunan at ng mismong mamamayan.

Sa aking mga klase, dalawang klase lamang ng aktibista ang naging mga estudyante ko, magmula man sila sa iba’t ibang partido politikal sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Una, ang nagkukunwang may pakialam ngunit sa katunayan ay indibidwalista. Ikalawa, ang may pakialam at handang magsakripisyo. Hayaan ninyong ipaliwanag ko.

Minsan, tinanong ko sa klase kung sino-sino sa kanila ang aktibista. Mabilis na nagsitaasan ang mga asul-an at dilaw-an. Tinanong ko kung ano ang depinisyon nila ng pagiging aktibista. Narito ang kanilang retorika: ang mahusay na naglilingkod sa estudyante habang nababalanse ang gawaing pampaaralan. Palakpakan ang kanilang mga tenga, palakpakan ang kanilang mga palikpik. Nagtanong ako kung may aktibista ba na mula sa partidong kilala sa pagru-room-to-room, pagra-rally, pagsta-strike, pagpapapirma ng signature sheets, pamimigay ng polyeto. May iilang nagtaasan ng kamay. Nakapagtatakang iilan lamang ang nagtaas ng kamay. Ngunit hindi naman rin talaga nakapagtataka. Ang sagot nila sa tanong ko kung ano ang depinisyon nila ng aktibismo: iyong sa teorya at praktika ay nasa larangan ng laban at digmaan. Wala sila sa klase sa panahong iyon. Dahil ang panawagan ng lipunan at ng masang estudyante ay ang lumabas ng klasrum at makiisa sa rally, strike at mga popular na pagkilos ng estudyante laban sa budget cut at iba pang tiwalang pamamalakad ng unibersidad, pamahalaan, at monopolistang dayuhan.

Ano ngayon ang kanilang kaibahan? Ang unang klase ng aktibista ay lalahok sa rally kapag walang exam. Ang ikalawang klase ng aktibista ay lalahok sa rally kahit na pasistahin pa sila ng guro at sabihing ang mag-rally ay tiyak na babagsak sa exam. Sa unang tingin, kahanga-hanga ang unang aktibistang “nababalanse” ang aktibismo at pag-aaral. Anila, hindi lamang sa pagra-rally nasusukat ang aktibismo. Para paniwalaan ang isang aktibista — ang isang lider-estudyanteng aktibista — ay dapat pumapasok siya sa eskwela, hindi lang basta naka-enroll. Pangunahin para sa kanila ang pagpasok sa klase, pagsusumite ng mga takdang-aralin, pagkuha ng mga exam, pagpasa sa klase, at hindi pagka-dismiss sa programa ng departamento at kolehiyo. Kahanga-hanga ito, ngunit ito’y kahanga-hanga lamang sa isang perpektong lipunang walang anumang kontradiksyon, walang anumang kahirapan at pagmamalabis ng iilan. O mas tama yatang sabihin na kahanga-hanga ito sa isang mundong burgis, na nag-aastang walang anumang kontradiksyon sa lipunan.

Ngunit ang katotohanan ay batbat ng kontradiksyon ang lipunan. Paano matinong makapag-aaral sa klase ang mga mag-aaral ng UP Manila Extension Program sa Palo, Leyte, kung hindi dumarating ang kanilang allowance pambili ng pagkain bunga ng pagkaltas sa badyet sa edukasyon? Paano matinong makapag-aaral sa klase ang isang estudyanteng ilang oras nang zombie dahil sa sabay na pagtatrabaho sa call center at pabrika habang iniraraos ang digri sa kolehiyo? Paano makapag-aaral nang mabuti at mapayapa ang isang aktibista at lider-estudyanteng aktibista kung tinatawag siya ng responsibilidad sa sektor at sa lipunan na kanilang sinumpaan sa kanilang mamamayan? Hindi kasi perpekto ang lipunan. At ang mga aktibista’t lider-estudyanteng ito ay nagsusulong ng digmaan laban sa imperpektong sistema. Bakit mo sila pupulaan? Bakit target ngayon ng mga asul-an at dilaw-an ang mga pula-han?

Hindi pagpapabaya ang pagliban sa klase dahil sa pagtugon sa mga responsibilidad ng isang aktibista at isang aktibistang lider-estudyante. Ang tawag doon ay mataas na uri ng sakripisyo. Na dapat hangaan at tularan. Hindi laging nangangahulugan ang mababa o bagsak na grado bilang pagpapabaya, bilang kabobohan. Kailangang suriin ang uri ng pagliban sa klase o pagbagsak sa eskwela: ito ba’y sakripisyong bunga lamang ng pagmomoda sa burgis na pag-ibig at paglalango sa alak ng kapitalismo; o ito ba’y sakripisyo para sa pag-ibig sa bayan, pag-ibig na lampas pa sa sarili’t sarili? Sakripisyo para sa layuning lahat ng mag-aaral ay makapag-aral at patuloy na makapag-aral. Sakripisyo para sa malayang lipunan.

Ang tunay na kapabayaan ay iyong isinasakripisyo ang paglilingkod sa bayan para makakuha ng hungkag na uno at mataas na grado mula sa neoliberal at pasistang sistema. E, ano kung uno ka kung hindi ka naman tunay na naglingkod sa masa! Aanhin mo ang laude kung ang utak mo’y puro tae. Madaling maging honorable at academically excellent na estudyante, pero mahirap ang maging pula-hang aktibistang lider-estudyante.