e-mykel

Archive for May, 2010|Monthly archive page

Ngatog (Salin)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on May 28, 2010 at 1:32 am

Salin ni Mykel Andrada
Salin mula sa Ingles na salin ng isang haiku ni Basho

Tuod na tangkay
Pinangatog ng maya
Isang tag-init

May 28, 2010. mga 1am. Iba, QC.

Note: Nirequest ni Myan Lordiane na isalin ko ito, para sa kaniyang kinunang larawan na matatagpuan ninyo rito: http://www.facebook.com/#!/photo.php?pid=234591&id=100000430328814

English translation ng haiku ni Basho mula sa http://www.flickr.com/photos/mikepedroncelli/2053476347/

on a bare branch
the crow settles –
autumn evening

– Basho

TOPOGRAPIYA (Salin)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on May 25, 2010 at 2:16 pm

Salin ni Mykel Andrada
Orihinal ni Sharon Olds

Matapos tayong magpailandang sa hangin
na sakop nitong tipak-tipak na lupain
at ng mga naipong tubig sa mga lubak,
nagpaubaya tayo sa kama at pinasalat
sa ating mga katawan ang buong mapa
ng pagniniig: mukha sa mukha, mula Timog
tungong Kanluran, ang aking San Francisco
del Monte laban sa iyong New York,
Cubao, ang iyong islang-apoy ng Camiguin
laban sa aking lango sa lambanog na Probinsiya ng Quezon,
ang aking Masbate na bilbil ng Kabikulan,
ang iyong naglalawang pusod ng Lanao del Norte,
ang aking maasim na Kamias
laban sa Kamias mong nagmamaasim,
ang may-asim mo pang Kamias
laban sa Kamias kong nagmumura,
ang mga mukha ng orasan mo sa munisipyo ng Maynila
na nakamulagat sa mga orasan ng noo, pisngi, tenga, baba,
leeg, batok: lahat napapakislot sa bawat pagkanti
ng mga daliri ng relo sa mga numero ng katawan.
At ang iyong araw na nanunuyod mula sa kanan
at ang aking araw na lumiliyad mula sa kaliwa,
ang iyong buwan na nadadarang mula sa kaliwa
at ang aking buwan na nanggagalugad mula sa kanan,
hanggang sa itong apat na katawang-
lupa’y magkapisan sa ikapitong langit,
lumalambong sa atin at pinagsasanib tayo,
lahat ng ating mga bayan, kambal, magkatambal,
at lahat ng ating mga pulo’y magkakaniig,
pinag-uugnay at pinasisikdo ng mga katas
ng isang bansang nangangarap
ng malayang pag-ibig.

May 25, 2010. 2pm. Iba, QC
Topography
by Sharon Olds
mula sa http://famouspoetsandpoems.com/poets/sharon_olds/poems/19526

After we flew across the country we
got in bed, laid our bodies
delicately together, like maps laid
face to face, East to West, my
San Francisco against your New York, your
Fire Island against my Sonoma, my
New Orleans deep in your Texas, your Idaho
bright on my Great Lakes, my Kansas
burning against your Kansas your Kansas
burning against my Kansas, your Eastern
Standard Time pressing into my
Pacific Time, my Mountain Time
beating against your Central Time, your
sun rising swiftly from the right my
sun rising swiftly from the left your
moon rising slowly form the left my
moon rising slowly form the right until
all four bodies of the sky
burn above us, sealing us together,
all our cities twin cities,
all our states united, one
nation, indivisible, with liberty and justice for all.

Pagkilos sa Mayo 27, 2010 BOR Meeting, Huwebes, 8am, Quezon Hall, UP Diliman

In Issues| Isyu on May 25, 2010 at 2:27 am

PANDAYAN
All UP Workers Alliance (All UP Workers Union | All UP Academic Employees Union)


PAANYAYA SA SAMA-SAMANG PAGKILOS SA MAYO 27, 2010 BOARD OF REGENTS (BOR) MEETING, HUWEBES, ALAS-OTSO NG UMAGA (8am), QUEZON HALL, UP DILIMAN

Magkakaroon ng BOR meeting sa darating na Mayo 27, Huwebes, sa Quezon Hall. Marami sa mga usaping pag-uusapan ay makakaapekto sa atin tulad ng mga sumusunod:

• Taunang Promosyon : Hatiang 80%(Faculty)-20%(Admin at REPS) sa Pondo
May nakalaan muling pondo para sa Promosyon 2010 at nandyan na naman ang proposal ng UP admin na hindi pantay na hatian sa budget. Hinihiling natin gawing 60 (Faculty)-40 (Admin at REPS) ang alokasyon para sa promosyon.

• Bigas (Unang Rice Subsidy)
Nakasalang sa meeting na ito ang pag-apruba ng Internal Operating Budget na kung saan nakasaad ang budget para sa bigas, batay sa napagkasunduan sa CNA.

• Pantay na Sagad Award
Hinihiling natin na maging pantay na P10,000 ang halaga ng “Sagad Award” sa mga Faculty, REPS at Admin.

• Large Class Policy
Bagama’t sa Los Baños pa lamang maingay ang isyung ito, hindi naman tahasang sinasabi ng administrasyon na ang aplikasyon ng polisiyang ito ay sa isang CU lamang magaganap. Kailangan natin tindigan ang hindi makatarungung polisiyang ito.

• Seguridad sa Trabaho
Hanggang ngayon ay wala pa ring pinal na desisyon ang UP Admin sa mga usapin hinggil sa mahigit na 2 taong tenure case ni Prof. Sarah Raymundo ng UP Diliman at ang dropping from the roll ni Mr. Freddie Sambrano , kawani at Presidente ng ALL UP Workers Union ng UP Los Baños.

• PGH Directorship
Patuloy na “wala sa tama” ang mga kaganapan hinggil sa PGH directorship. Mahalaga ang isyung ito para sa atin dahil ito ay magpapatindi ng pagsasapribado ng PGH na magbibigay daan sa hindi abot kayang serbisyong kalusugan.

Kailangan nating maipakita ang ating tindig sa mga isyu na ito sa pamamagitan ng isang mobilisasyon. Magkita-kita tayo sa Quezon Hall ng alas-8:30 ng umaga, upang sama sama nating ipaglaban ang ating mga BENEPISYO, SEGURIDAD AT KARAPATAN.

Mga Bariasyon sa Salitang Mahal

In Poetry | Tula, Salin | Translation on May 23, 2010 at 4:23 am

Salin ni Mykel Andrada
Orihinal sa Ingles ng “Variations on the Word Love” ni Margaret Atwood

Salita itong ating ipinangtatapal
sa mga butas. Tamang sukat ito para sa maiinit
na patlang sa pananalita, para sa pulang mga hugis-
pusong sining sa pahina na kailanma’y hindi
matutumbasan ang tunay na mga puso. Lagyan ng puntas
at ito’y maaari mo nang ilako.
Isinisingit rin natin ito sa isang blankong
espasyo sa nakalimbag na pormularyong
walang lakip na panuto. Mayroong
mga imbakang walang ibang laman
kundi ang salitang mahal, maaari mo itong
ipahid sa iyong buong katawan at maaaring ito rin
ang iyong ipangluto. Paano natin mababatid
na hindi ito kawangis ng palasak
na pagtatalik ng mga linta sa ilalim ng nagpapawis
na mga piraso ng karton? At para sa mga damong-
ligaw na masigasig na nanghahawan at nanlalaban
sa sukal ng mga litsugas, isinisigaw nila ito.
Mahal! Mahal! ang awit ng hukbo habang ipinangsasaludo
ang kanilang nagdidilaang mga pulang bandila.

At narito tayong
dalawa. Itong salita’y
masyadong matipid para sa atin, mayroon lamang
limang titik, lubhang kapos
upang mapunan ang malalalim
na kawalan sa pagitan ng mga tala
at ang kanilang nakabibinging pagkislap
na lumulukob sa atin.
Hindi pag-ibig ang hindi
natin hinihiling na paglagakan natin, kundi iyong takot.
Hindi sapat itong naturang salita ngunit
maaari na ito. Ito’y dalawang
pantig dito sa nakangangaligkig
na katahimikan, bungangang
paulit-ulit na umuusal, kapwa sa pagkamangha
at sa pagdurusa, hininga, daliri
mahigpit na kapit sa dalisdis. Maaari kang
kumapit o bumitiw.

Mykel Andrada. 4:10am. May 23, 2010. Iba, QC. Revised 4:30am, May 24, 2010.

* * * *

VARIATIONS ON THE WORD LOVE
Margaret Atwood
http://www.poemhunter.com/poem/variations-on-the-word-love/

This is a word we use to plug
holes with. It’s the right size for those warm
blanks in speech, for those red heart-
shaped vacancies on the page that look nothing
like real hearts. Add lace
and you can sell
it. We insert it also in the one empty
space on the printed form
that comes with no instructions. There are whole
magazines with not much in them
but the word love, you can
rub it all over your body and you
can cook with it too. How do we know
it isn’t what goes on at the cool
debaucheries of slugs under damp
pieces of cardboard? As for the weed-
seedlings nosing their tough snouts up
among the lettuces, they shout it.
Love! Love! sing the soldiers, raising
their glittering knives in salute.

Then there’s the two
of us. This word
is far too short for us, it has only
four letters, too sparse
to fill those deep bare
vacuums between the stars
that press on us with their deafness.
It’s not love we don’t wish
to fall into, but that fear.
This word is not enough but it will
have to do. It’s a single
vowel in this metallic
silence, a mouth that says
O again and again in wonder
and pain, a breath, a finger
grip on a cliffside. You can
hold on or let go.

Berso 1, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on May 22, 2010 at 11:29 pm

Berso 1, Serye 2010

Ganito: ipininid ko ang aking mga mata
At narinig ang lagatok ng mga hilik
Habang malayang naglalambitin
Sa mga braso’t binti
Nitong higanteng puno
Ng mga bungang-tulog.

Mykel Andrada. 11:22pm. May 22, 2010. Iba, QC.

Shrek 4 (Forever After), 3D at Kung Bakit Politikal ang Panonood ng Pelikula

In Review | Rebyu on May 21, 2010 at 10:41 pm

Mykel Andrada

Isa sa madalas na ikomento ng mga estudyante kong kumuha ng Pan Pil 17 (Panitikan at Kulturang Popular) ngayong Summer 2010 ay “Sir! Ang hirap ng manood ng pelikula nang hindi nag-a-analyze.” Sinabi ko kasi sa mga estudyante ko sa naunang mga araw ng aming klase na “Watching (films) will never be the same again” matapos na sila’y mag-aral ng Pan Pil 17. Sa Pan Pil 17 kasi, basic na discussion namin ay tungkol sa dominant ideologies (hegemony) at counter-dominant ideologies (counter-hegemony). Tinatalakay namin ang pinakabatayang depinisiyon ng terminong “ideology” o ideolohiya: (1) kalipunan ng mga prinsipyo, paniniwala atbp na humuhubog sa kamalayan ng tao o grupo ng mga tao; at (2) maaaring malay o di-malay na taglay ng isang indibidwal o grupo. Pinapaliwanag rin sa klase na sinuman at/o anuman ay ideolohikal — at politikal — kung kaya’t ang talaban ng mga ideolohiya ay normal na bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Kailangan lang suriin, sa pinakapayak na baitang, kung aling ideolohiya ang nanaig at alin ang nagapi.

Dahil ang pelikula ang isa sa pinaka-spectacular na porma ng kulturang popular, ang shared consumption experience ng manonood ay isang spectacular na karanasan, laluna kung bersiyong three-dimensional o 3D ito: mas mahal ang bayad, makapipili ng puwesto (kung may bakante pa) sa pagbili ng tiket, malamig ang kahong sinehan, relatibong kumportable ang mga upuan, at may specialized visor na isusuot ng manonood para maranasan ang spektakulo ng tatlong dimensiyon na mundo ng piling pelikula. Ang tumatakbong mga kabayo ay aakalain mong papalapit sa iyo at madaraanan ka; ang mga lumilipad na dragon at mangkukulam sakay ng mga magic walis tingting ay aakalain mong dadambahin ka. May yugto pang aakalain mong tatamaan ka ng ibinatong prutas o putahe kung kaya mapapailag ang ulo mo at matatawa ka sa sarili mo.

Itong Shrek 4 ay ang pinakabagong installment sa kumitang serye ng Shrek — isang mixing pot ng minainstream na fairy tales: magkakasama sina Puss in Boots, Rumpelstiltskin, ang Witch, Pinocchio, Gingerbread Boy, Pied Piper at marami pang ibang tauhan mula sa sari-saring fairy tales at kultura ng iba’t ibang bansa. Tulad ng ilusyon ng postmodernismo, binaklas ng adaptasyong ito ang mga hangganan ng mga fairy tale at pinaghalu-halo ang mga ito upang lumikha ng natatanging transhistorikal at transkultural na lunan at kaakuhan. Malayang inilangkap sa at nilahukan ng mga kontemporaryong produktong kultural ang mga tauhan ng fairy tale at kulturang mula sa panahon ng lumang pyudalismong Europeo.

Pansinin, halimbawa, na bagama’t ang monarkiya at pyudalismong Europeo ang mga sentral na moda ng pampolitika at pang-ekonomiyang produksyon ng pelikulang Shrek 4, kalakhan ng musikang kinasangkapan rito ay mula sa musikang popular ng kontemporaryong panahon. At iyon ang postmodernong hikayat ng pelikula: ang magmukhang kontemporaryo, flashy, hip at kakatwa ang isang lumang kuwento ng tagumpay ng monarkiya’t pyudalismo: ang pagpapasailalim ng mardyinalisado (Shrek, ogre) sa monarkiya’t pyudalismo (Far Far Away Land), ang ilusyon ng paglikida sa bayolenteng tunggalian ng mga uri (ogre at dugong-bughaw; farm workers at merchant class) sa isang atrasado at marahas na moda ng pang-ekonomiyang produksiyon, ang pyudalismo. At sa dulo, tinitiyak ng pelikula na babalik sa “dati” ang lahat: masaya si Shrek sa asimilisasyon niya sa panatag at tila walang problemang feudal class society; nag-and they live happily ever after dahil sa basbas ng monarkiya.

Bagama’t may ilang mamamarkahan bilang tila pag-asenso o pag-usad mula sa payak na predikamento ng pyudalismo, ang mga narasyong ito’y reartikulasyon lamang ng postmodernismo sa pyudal na kondisyon. Halimbawa, ang kakayahang palitan ang kurso ng buhay ni Shrek. Ang persepsyon ni Shrek na monotonous at routinary ang kaniyang buhay-may-asawa at buhay-may-mga-anak at ang pangkalahatang “pagbabago” ni Shrek mula sa pagiging “totoong ogre” tungo sa “bagong ogre” ay bunga ng isang tila eksisteniyal na hangarin para ibalik ang kinalakhang pyudal na kaayusan. Hindi nga ba’t sa pelikula’y si Shrek mismo ang nagsasabing nami-miss niya na siya’t kinatatakutan ng mga mamamayan, na siya’y tinutugis ng mga bounty hunter, na siya’y malayang nakakikilos at hindi binabantayan o minamatyagan ng isang lipunang itinuring na siyang “atraksyong pangturismo” sapagkat mabait siyang ogre. Ang tanong, bakit niya ito hinahanap-hanap gayong hindi naman kanais-nais ang kaniyang mga karanasan bilang isang tinutugis at kinatatakutang ogre? Iito ang nostalgia ng mismong mamamayan ng kaharian sa “lumang” persepsyon na ang mga ogre tulad ni Shrek ay magagalitin, nambubulyaw, nang-aaway, at higit sa lahat, di sibilisado. Ito mismong pyudal na nostalgia at pang-uukilkil ng “normal” na taong nakapaloob at nakapailalim sa kapangyarihang pyudal ng hari’t reynang mga magulang ni Fiona ang muling nagpaalala sa marydinalisadong buhay na kinalakhan ni Shrek.

Tila may mga transgresyon ang pelikula pagdating sa usapin ng kasarian at sekswalidad. Si Fiona, sa alternate day ni Shrek, ay pinuno ng rebelyon ng mga mardyinalisadong ogre. Sa tagal ng paghihintay ni Fiona sa toreng binabantayan ng mabalasik na dragon para dumating ang kaniyang true love, nagpasiya siyang palayain ang sarili. Ang cook o tagapagluto ng mga nagrerebeldeng ogre ay tila isang bakla na di lamang nakatali sa pagluluto bagkus ay humahawak rin ng armas para labanan ang tiraniya ng tusong mangangalakal na si Rumpelstiltskin. Ngunit ang mga posisyong ito ng mga mardyinalisadong kasarian ay hindi dapat payak na suriin bilang pag-angat o transgresyon ng mga tauhan at kasariang ito. Sapagkat sa pangkabuuan, laluna sa kaso ni Fiona, si Shrek pa rin ang naging tagapagligtas, ang tagapaghatid ng “true love’s kiss” upang masolusyunan ang problemang nalikha ng kaniyang kontratang pinirmahan. At matapos na maglapat ang labi nina Shrek at Fiona, naglaho ang sumpa kay Fiona, bumalik sa kasalukuyang buhay ni Shrek ang lahat, nanormatibisa ang mga pyudal na relasyon, at muling-nilikha o nagkaroon ng reimbensiyon ng pyudalismo, at nareartikula ang lohika ng kapital o pribadong pagmamay-ari.

Masayang panoorin ang pelikula. Komiko at visually appealing. Ngunit tulad ng anumang ilusoryong proyekto ng postmodernong kaisipan, tinatapalan ng mga paglalangkap na ito ang tunay na mga ethos ng pelikula: ang reimbensiyon ng pyudalismo, normatibisasyon ng mga pyudal na relasyon, ang reafirmasyon ng lohika ng kapital at pribadong pagmamay-ari. Kung kaya’t hinahalina tayong lahat na muli’t muling buklatin ang mga pahina ng pyudalismo, bilang isang panahong tila puno lamang ng mahika, adventure, at happily-ever-afters; na tila baga hindi bayolenteng sistemang pang-ekonomiya ang pyudalismo at na tila hindi anarkista ang sistemang pangkultura ng postmodernismo.

Larawan mula sa http://www.shockya.com/news/wp-content/uploads/shrek_forever_after_poster.jpg

KONTRA-DAYA MONITORING, Mayo 10, 2010

In Issues| Isyu, Personal Essay | Personal na Sanaysay on May 11, 2010 at 1:44 pm

Ang Kontra-Daya at ACT Teachers Partylist-UP Diliman team namin nina Shawee at Bernadette, at ng Ateneo graduate na pinsan ni Shawee na si Nana, ay naglibot kahapon, Mayo 10, 2010, para magmonitor ng pambansang eleksyon. Apat na voting precincts ang naitoka sa amin: Claret School, Krus na Ligas, Balara Elementary School (plus La Vista) at Miriam College. Narito ang nakalap namin:

1. Claret School – Mayroong tatlong PCOS machines, humigit-kumulang 1,000 rehistradong botante. At as of 5pm ay nagtala na ito ng 76% voter turnout. Wala namang aberya o problema. Maraming salamat sa taga-PPCRV na si G. Gudolph Villapando sa pagpapaunlak sa mga katanungan ni Shawee 🙂

2. Krus na Ligas – Mayroong 10 clustered precincts na nag-a-average ng 800 registered voters kada presinto. As of 6pm, tinatayang nasa 2/3 ng kabuuang registered voters na ang nakaboto, ayon kay G. Joselito Francisco ng PPCRV. Isang PCOS machine ang hindi gumana simula umaga dahil sa sirang CF Card. Itinimbre nila agad ito sa COMELEC at midya kung kaya’t dumating ang ilang elemento ng mass media. Nakaboto naman sa naturang presinto ngunit itinabi muna ang mga balota hangga’t hindi pa dumarating ang CF card na magmumula pa sa Cavite, para sa canvassing. Maraming salamat kay G. Francisco 🙂

3. Balara Elementary School (plus La Vista) – Mayroong 11 PCOS machines at 11,253 voting population, 85% nito ay nakaboto na as of 6:30pm. May ilang di nakaboto sapagkat wala sila sa listahan; ang iba’y bagong botante habang ang iba nama’y isa o dalawang eleksyon nang hindi nakaboto. Samantala, sa La Vista, na hawak rin ng PPCRV ng Balara Elementary School, mayroong dalawang (2) PCOS machines. Nakapagrehistro ang nasabing presinto ng 75% ng pangkabuuang boto as of 6pm. Maraming salamat kina Atty. Warren, G. Antonino Herrera at G. Florencio Agluba ng PPCRV at Knights of Columbus.


4. Miriam College – Mayroong walong (8) PCOS machines at humigit-kumulang 6,000 rehistradong botante. Tatlong PCOS machines ang pansamantalang nagkaaberya, ngunit naayos naman agad. Mayroong kaso ng mga hindi pagboto dahil wala sila sa listahan; hindi nakaboto nang isa o dalawang eleksyon na. Maraming salamat sa mga babaeng (mukhang)-estudyante na miyembro ng PPCRV na nagtiyagang sagutin ang aming mga katanungan. (Pasensiya na, nakalimutan ko na ang pangalan ninyo)

5. UPIS – Dito nagbantay sina Staff Regent Buboy Cabrera, AUPWU Diliman Chapter President Felix Parinas, Tita Baby Parinas, Kuya Noel Marquinia at Ate Connie Marquinia. Panalo dito sina Liza Maza, Satur Ocampo, at ang ACT Teachers Partylist! Dumating kami ni Lisa para tumulong sa pollwatching. Matapos ang umaatikabong kuwentuhan, umuwi na kami 🙂

Mga larawang kuha ni Mykel Andrada | Mayo 10, 2010

Pagboto para sa mga Progresibo Ngayong Mayo 10, 2010

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon, Personal Essay | Personal na Sanaysay on May 10, 2010 at 2:46 pm

Dumating kami ng kapatid ko dito sa Quezon City mula sa Sampaloc, Quezon Province around 8:30am. Kumain at naligo saglit at sumunod na sa mga magulang namin upang bumoto sa covered court ng Brgy. Sta. Teresita, Quezon City. Naiwan ko pa ang I.D. ko kaya pinauna ko na ang kapatid ko.

Pagdating ko sa covered court na nagsisilbing presintong pang-eleksyon, ang haba ng pila; halos umabot na sa palengke. Bumalik ako sa bukana ng court at nakapasok sa loob kung saan nakita ko ang kapatid kong si Mark. Di kami magkapareho ng presinto. Nakita ko sina Shiela at Ate Fhe na 9am pa nakapila. Around 10:30am na ako dumating sa presinto. Nalaman kong pareho pala kami ng pipilahan kahit na magkaiba ng presinto. Clustered precinct 205 kami. Salamat dahil pinasingit nila ako sa pila. Sabi ko, “Bakit ang haba ng pila ngayon? Dati ambilis lang a!” Medyo mas mabilis nakaboto ang mga magulang ko dahil senior citizens na sila, hehehehe! 🙂

Nagpicture-picture kami. Nakipaghuntahan sa mga katabi (wink, wink!). Nakita namin si Irene Kho, yung nanay ni Hayden Kho. Di ko siya napicture-an.

Nung malapit na akong papasukin sa presinto, nakasalubong ko yung kapitbahay namin at tinanong ko kung madali lang ba bumoto. Sabi niya madali lang raw. Pero ingatan raw ang pag-shade kasi may mga “naniniko” raw sa botohan. Unahin raw ang pagbilog saka i-shade ang loob. May nagalit na baranggay official (ata) kasi nagkagulo sa pila at nagdumugan sa isang presinto. Understandable naman dahil 12nn na halos.

Habang nakaupo kami sa mga monoblock chairs, kitang-kita ko ang PCOS Machine ng Smartmatic. Mukha itong glamorous na basurahan, o kaya ay xerox machine, hehehehe. Nung turn ko na, kinabahan ako sa pagshade; di ko nasundan yung sinabi ng kapitbahay naming laging nagbabasketbol. Limang shade lang ang ginawa ko: Presidente, Senatoriables Liza Maza at Satur Ocampo, ACT Teachers Partylist at aspiring QC Mayor Roberto Sombillo. Sa sobrang kaba, di ko na napicture-an yung balota ko. Hindi ko rin makita sina Shiela at Ate Fhe kaya di ako nakapagpapicture habang isinusubo ko sa PCOS machine ang mahabang balota. Isinubo ng PCOS machine at sabi niya “Verifying” tapos ay buti na lang ay sabi nito na “Congratulations!” na ibig sabihin ay tinanggap ang aking limang shaded votes. Pinicture-an ko ang aking kanang hintuturo katapat ng PCOS machine.

Sa huling picture/shot na nakuha ko sa loob ng presinto, yung hilera ng mga bumoboto, pinagsabihan ako ng isang mabait na taga-PPCRV na bawal raw kumuha ng litrato. Pero promise, mabait at responsible talaga yung taga-PPCRV. Pinalabas na niya ako ng presinto at pakiwari ko lahat ng mata ay nakatitig sa akin kahit, hehehehe. It must be my Vietnamese Mao cap (c/o Piya) and my goatie! 🙂

Sa labas, nakuhanan ko ng litrato ang napakaraming campaign posters na ito. Ang mga pader nga pala kung saan nakadikit o nakasabit ang mga posters na ito ay ang mga pader ng aming Barangay Hall. Dapat pala nakisabit na rin ako ng posters nina Satur Ocampo at Liza Maza at ng ACT Teachers Partylist, hehehehe 🙂

mga larawang kuha ni Mykel Andrada; Brgy. Sta. Teresita, QC

EI: JEJEMONS

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on May 9, 2010 at 9:44 pm

Email Interview (EI) on JEJEMONS. Sagot ko sa mga tanong na inemail ni fordan_karenann@yahoo.com. Mayo 8, 2010. Sampaloc, Quezon Province.

Note: Walang pakialamanan sa syntax, grammar, spelling. Jejebuster ka pag naging Nazi ka! 😛

1. How did “Jejemon” came out?

It is interesting to note that the term “Jejemon” as the name of the subcultural group now known as “Jejemon” did not originate from themselves. It is the public, the middle class and the upper classes that most probably labeled such subcultural group as jejemons, based upon their observation that these individuals text or communicate digitally and electronically using a distinct form of language.

2. Why do you think the “Jejemon” language emerged?

According to UP CMC Dean Rolando Tolentino, the jejemon laguage emerged primarily as an influence or spin-off of the way Latin Americans express jubilation — jeje. To add to this, I think that the jejemon language in the Philippines is a product of the lower middle class and the lower classes use of mainstream and monopolized capitalist technology and the own intellectual and cultural facilities of such people/social classes. In sociolinguistics, the way to explain jejemon language is the incarnation of internal(ized) speech. It means that how one thinks and recites/enunciates thoughts through sounds and words is how one literally writes/digitizes it.

3. What are its implications in the language and education system?

This phenomenon is nothing new. I find it similar with how gay language and text language emerged in the Philippines.

4. Is “Jejemon” a social construct?

Yes. But the social construction was negatively done by the upper classes. More particularly, the negation of the jejemons is an elitist stand against the lower classes. This means that while the lower classes are able to accommodate and use the democratized technology of the capitalists, the elitist rulers continue the “othering” by ensuring that the jejemons would not be able to fully enter their circle. It is of course different in cases where and when the jejemons are “legitimized” by mainstream media and other capitalist corporations because basically they are able to reek in superprofit out of the othered subculture of jejemons.

Jejemons could then be analyzed as a subaltern: an excess of monopoly capitalism and neocolonialism.

5. Is “Jejemon” a form of discrimination?

It becomes discriminatory especially that the upper classes and those influenced by neoliberal and bourgeois ideologies draw a demarcating line between the accepted users of capitalist technology and the “social strugglers” of the utilization of capitalist technology.

6. Is “Jejemon” overrated or abused?

Both, I guess, since the overrating of jejemon basically originated from the abusive remarks of the “jejebusters.”

7. What do you think is its impact in our society?

In a class society such as ours, dominated by a few ruling elite and by mainstream media and popular culture, jejemon is now a buzzword, taking on different sides and angles, and being utilized by the various ideological and socio-political motives of this multi-epistemological nation-state. There are those who capitalize on jejemons for profit. There are those who are outright busters and haters. There are those who internalize the term and culture of the jejemons for political advertisement and social emancipation. There are teachers who ask students to analyze jejemons. Such is popular culture. Such is Facebook.

8. How did the people (we) accept it?

See no. 7.