e-mykel

Shrek 4 (Forever After), 3D at Kung Bakit Politikal ang Panonood ng Pelikula

In Review | Rebyu on May 21, 2010 at 10:41 pm

Mykel Andrada

Isa sa madalas na ikomento ng mga estudyante kong kumuha ng Pan Pil 17 (Panitikan at Kulturang Popular) ngayong Summer 2010 ay “Sir! Ang hirap ng manood ng pelikula nang hindi nag-a-analyze.” Sinabi ko kasi sa mga estudyante ko sa naunang mga araw ng aming klase na “Watching (films) will never be the same again” matapos na sila’y mag-aral ng Pan Pil 17. Sa Pan Pil 17 kasi, basic na discussion namin ay tungkol sa dominant ideologies (hegemony) at counter-dominant ideologies (counter-hegemony). Tinatalakay namin ang pinakabatayang depinisiyon ng terminong “ideology” o ideolohiya: (1) kalipunan ng mga prinsipyo, paniniwala atbp na humuhubog sa kamalayan ng tao o grupo ng mga tao; at (2) maaaring malay o di-malay na taglay ng isang indibidwal o grupo. Pinapaliwanag rin sa klase na sinuman at/o anuman ay ideolohikal — at politikal — kung kaya’t ang talaban ng mga ideolohiya ay normal na bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Kailangan lang suriin, sa pinakapayak na baitang, kung aling ideolohiya ang nanaig at alin ang nagapi.

Dahil ang pelikula ang isa sa pinaka-spectacular na porma ng kulturang popular, ang shared consumption experience ng manonood ay isang spectacular na karanasan, laluna kung bersiyong three-dimensional o 3D ito: mas mahal ang bayad, makapipili ng puwesto (kung may bakante pa) sa pagbili ng tiket, malamig ang kahong sinehan, relatibong kumportable ang mga upuan, at may specialized visor na isusuot ng manonood para maranasan ang spektakulo ng tatlong dimensiyon na mundo ng piling pelikula. Ang tumatakbong mga kabayo ay aakalain mong papalapit sa iyo at madaraanan ka; ang mga lumilipad na dragon at mangkukulam sakay ng mga magic walis tingting ay aakalain mong dadambahin ka. May yugto pang aakalain mong tatamaan ka ng ibinatong prutas o putahe kung kaya mapapailag ang ulo mo at matatawa ka sa sarili mo.

Itong Shrek 4 ay ang pinakabagong installment sa kumitang serye ng Shrek — isang mixing pot ng minainstream na fairy tales: magkakasama sina Puss in Boots, Rumpelstiltskin, ang Witch, Pinocchio, Gingerbread Boy, Pied Piper at marami pang ibang tauhan mula sa sari-saring fairy tales at kultura ng iba’t ibang bansa. Tulad ng ilusyon ng postmodernismo, binaklas ng adaptasyong ito ang mga hangganan ng mga fairy tale at pinaghalu-halo ang mga ito upang lumikha ng natatanging transhistorikal at transkultural na lunan at kaakuhan. Malayang inilangkap sa at nilahukan ng mga kontemporaryong produktong kultural ang mga tauhan ng fairy tale at kulturang mula sa panahon ng lumang pyudalismong Europeo.

Pansinin, halimbawa, na bagama’t ang monarkiya at pyudalismong Europeo ang mga sentral na moda ng pampolitika at pang-ekonomiyang produksyon ng pelikulang Shrek 4, kalakhan ng musikang kinasangkapan rito ay mula sa musikang popular ng kontemporaryong panahon. At iyon ang postmodernong hikayat ng pelikula: ang magmukhang kontemporaryo, flashy, hip at kakatwa ang isang lumang kuwento ng tagumpay ng monarkiya’t pyudalismo: ang pagpapasailalim ng mardyinalisado (Shrek, ogre) sa monarkiya’t pyudalismo (Far Far Away Land), ang ilusyon ng paglikida sa bayolenteng tunggalian ng mga uri (ogre at dugong-bughaw; farm workers at merchant class) sa isang atrasado at marahas na moda ng pang-ekonomiyang produksiyon, ang pyudalismo. At sa dulo, tinitiyak ng pelikula na babalik sa “dati” ang lahat: masaya si Shrek sa asimilisasyon niya sa panatag at tila walang problemang feudal class society; nag-and they live happily ever after dahil sa basbas ng monarkiya.

Bagama’t may ilang mamamarkahan bilang tila pag-asenso o pag-usad mula sa payak na predikamento ng pyudalismo, ang mga narasyong ito’y reartikulasyon lamang ng postmodernismo sa pyudal na kondisyon. Halimbawa, ang kakayahang palitan ang kurso ng buhay ni Shrek. Ang persepsyon ni Shrek na monotonous at routinary ang kaniyang buhay-may-asawa at buhay-may-mga-anak at ang pangkalahatang “pagbabago” ni Shrek mula sa pagiging “totoong ogre” tungo sa “bagong ogre” ay bunga ng isang tila eksisteniyal na hangarin para ibalik ang kinalakhang pyudal na kaayusan. Hindi nga ba’t sa pelikula’y si Shrek mismo ang nagsasabing nami-miss niya na siya’t kinatatakutan ng mga mamamayan, na siya’y tinutugis ng mga bounty hunter, na siya’y malayang nakakikilos at hindi binabantayan o minamatyagan ng isang lipunang itinuring na siyang “atraksyong pangturismo” sapagkat mabait siyang ogre. Ang tanong, bakit niya ito hinahanap-hanap gayong hindi naman kanais-nais ang kaniyang mga karanasan bilang isang tinutugis at kinatatakutang ogre? Iito ang nostalgia ng mismong mamamayan ng kaharian sa “lumang” persepsyon na ang mga ogre tulad ni Shrek ay magagalitin, nambubulyaw, nang-aaway, at higit sa lahat, di sibilisado. Ito mismong pyudal na nostalgia at pang-uukilkil ng “normal” na taong nakapaloob at nakapailalim sa kapangyarihang pyudal ng hari’t reynang mga magulang ni Fiona ang muling nagpaalala sa marydinalisadong buhay na kinalakhan ni Shrek.

Tila may mga transgresyon ang pelikula pagdating sa usapin ng kasarian at sekswalidad. Si Fiona, sa alternate day ni Shrek, ay pinuno ng rebelyon ng mga mardyinalisadong ogre. Sa tagal ng paghihintay ni Fiona sa toreng binabantayan ng mabalasik na dragon para dumating ang kaniyang true love, nagpasiya siyang palayain ang sarili. Ang cook o tagapagluto ng mga nagrerebeldeng ogre ay tila isang bakla na di lamang nakatali sa pagluluto bagkus ay humahawak rin ng armas para labanan ang tiraniya ng tusong mangangalakal na si Rumpelstiltskin. Ngunit ang mga posisyong ito ng mga mardyinalisadong kasarian ay hindi dapat payak na suriin bilang pag-angat o transgresyon ng mga tauhan at kasariang ito. Sapagkat sa pangkabuuan, laluna sa kaso ni Fiona, si Shrek pa rin ang naging tagapagligtas, ang tagapaghatid ng “true love’s kiss” upang masolusyunan ang problemang nalikha ng kaniyang kontratang pinirmahan. At matapos na maglapat ang labi nina Shrek at Fiona, naglaho ang sumpa kay Fiona, bumalik sa kasalukuyang buhay ni Shrek ang lahat, nanormatibisa ang mga pyudal na relasyon, at muling-nilikha o nagkaroon ng reimbensiyon ng pyudalismo, at nareartikula ang lohika ng kapital o pribadong pagmamay-ari.

Masayang panoorin ang pelikula. Komiko at visually appealing. Ngunit tulad ng anumang ilusoryong proyekto ng postmodernong kaisipan, tinatapalan ng mga paglalangkap na ito ang tunay na mga ethos ng pelikula: ang reimbensiyon ng pyudalismo, normatibisasyon ng mga pyudal na relasyon, ang reafirmasyon ng lohika ng kapital at pribadong pagmamay-ari. Kung kaya’t hinahalina tayong lahat na muli’t muling buklatin ang mga pahina ng pyudalismo, bilang isang panahong tila puno lamang ng mahika, adventure, at happily-ever-afters; na tila baga hindi bayolenteng sistemang pang-ekonomiya ang pyudalismo at na tila hindi anarkista ang sistemang pangkultura ng postmodernismo.

Larawan mula sa http://www.shockya.com/news/wp-content/uploads/shrek_forever_after_poster.jpg

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: