e-mykel

Archive for September, 2010|Monthly archive page

FBI: Pornograpiya

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on September 26, 2010 at 2:58 am
Facebook Interview (FBI):  Pornograpiya

Mga katanungan via Facebook ni Jess Parin:
Jess Parin Setyembre 23 nang 5:53 PM Iulat
gusto ko lang pong mag tanong sa inyo ,tungkol sa pornograpiya,
mga 3 question lang naman po,assignment po kasi namin,sa filipino 1.

1.bakit sa kasulukuyang panahon lang lumlaganap ang pornograpiya?
2.paano ito nakkaapekto sa mga kabataan?
3.paano masusolusyonan ang problemang patungkol sa pornograpiya?

maraming salamat po

always take care..^_^

* * * * * * * *

hi jess. narito ang aking mga sagot:

1. mas mainam sabihin na mas madaling lumaganap ang pornograpiya ngayon dahil sa mas mataas na antas ng modernong teknolohiya. ang orihinal na kahulugan ng pornograpiya ay “literature about the prostituted / prostitution.” nangangahulugan ito na sa anyong nakasulat na panitikan ang pornograpiya dati. sumunod rito kinalaunan ang mga pornographic magazine at komiks na kakikitaan ng mga hubo’t hubad na larawan ng mga babae at lalaki para sa pantasya ng madla. pagkatapos ay dumating ang teknolohiya ng betamax, ng VHS, ng CD, ng DVD at ngayon nga ay ng kung anu-anong file extensions tulad ng .avi, .mpg at marami pang iba, na madaling i-upload sa internet para sa pampublikong konsumpsyon. kaya mas malaganap ngayon ay dahil mas mabilis itong naipakakalat dahil sa bagong porma ng midya. sa katunayan, naglipana sa internet ang orihinal at pinipiratang mga pornograpikong babasahin, larawan, magazine at video. mayroon sa youtube, sa facebook, sa xtube, sa mga blogspot, sa torrents at sa iba pang websites at web finders.

2. maraming pag-aaral ang nagsasabi na negatibo ang epekto nito sa kabataan in terms of addiction sa sex kahit sa murang gulang o edad, kapabayaan sa pag-aaral, pagiging mas mapusok sa pag-e-engage sa mga irresponsible at unsafe sex. mayroon ring tumatawid sa mismong prostitusyon o pagbebenta ng katawan. para sa akin, hindi naman masamang pag-usapan ang sex. pero kailangan ay may guidance para hindi mapariwara. with great sex comes great responsibility.

3. para masolusyunan ang problema sa pornograpiya, mayroon yang dalawang antas. yung una, sa immediate na lebel, kailangang ma-ensure na kung maaakses ng kabataan ang iba’t ibang pornograpikong materyal ay dapat may kaukulan na silang kaalaman. ang responsableng pagtingin sa sex at sexualidad ay dapat matutunan sa tahanan at sa eskwelahan. para maging epektibo ito’y kailangang responsable at maalam rin sa usapin ng responsibilidad sa sex at sexualidad ang mga magulang at guro. ito ay given na mayroong pornograpiya.

ikalawa, para sa mas matagalang laban, kailangang magkaroon ng pagbabago sa kamalayan. dalawa kasi ang dominanteng sistema kaya laganap ang pornograpiya. isa ay ang patriarkiya — ang sistema ng paniniwala na ang lalaki ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kasarian at sexualidad. manipestasyon nito ang pagturing sa mga babae bilang mga sex object, na laganap sa pornograpiya. ang isa pa ay ang kapitalismo — ang sistemang pang-ekonomiya at pampulitika kung saan dominante ang mga kapitalista. dominante sa sistemang ito ang lohika ng kapital, ang akumulasyon ng kapital at pribadong pagmamay-ari. lahat gagawin ng sistemang ito para magkamal ng labis-labis na kita, kahit sa expense ng tao.

itong dalawang sistemang ito ang dominanteng lumilikha ng mga mainstream na pornograpiya, na naglilingkod para sa interes ng tagakonsumong karamihan ay lalaki at sa interes ng pagkakamal ng superkita o supertubo ng mga kapitalista/negosyante. kaya para wakasan ang pornograpiya, kailangang maging malaya tayo mula sa patriarkiya at kapitalismo.

maraming salamat! 🙂

sir mykel

Berso 8, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 20, 2010 at 1:53 am

Nakita kitang kumukuha ng larawan

Isang hapong galit sa tubig ang araw

At ang lahat ng pawis ay nais sairin

Ng nag-uumapoy na dila ng kalangitan.

Ninakaw mo ang sandali ng binatang

Nagpapamanhikan ng usok sa baga,

Kaniig ng kaniyang mga labi

Ang maputing puwit ng nikotina.

Ang kaniyang noo’y arinolang

Nag-iimbak ng labis na tubig at asin

At taba at langis, at lahat,

Lahat ng dapat ipabalong

Na alaalang nagsusumiksik

Sa makipot na lansangan ng utak

At sa masikip na kalsada ng dibdib.

Ninakaw mo ang sandali

Ng asul-asong usok

Na gumuguhit ng mukha,

Ng ulap, ng dahon,

Ng pusang ngumingiyaw

Habang naglalambing sa pasmadong

Mga paa ng hangin.

Niyakap mo ang iyong pandaklot

Ng sandali, at sandaling niyakap mo

Ang sandaling iyon. Isang saglit

Na aking ninakaw, isinilid

Sa imbakan sa likod ng paningin.

Mykel Andrada. 1:46am. September 20, 2010. Iba, QC.

Berso 7, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 20, 2010 at 1:52 am

Huwag mong paniwalaan ang lahat

ng lumalabas sa aking bibig.

Dahil sa mga gabing tulad nito,

nangangapa ang kaba

At nagdadalawang-isip ang dila

sa kahahagilap ng mga salitang

Ipahahapon sa iyong tenga.

Ang halakhak ay maaaring bulong,

At ang katahimikan ay maaaring

nag-aalumpihit na sigaw.

Maaari ring naninimbang ang mga salita:

Kung paano ka sasagot,

Kung paano ka magpapailandang

Ng magkakarugtong na mga titik

Ng kawalang-katiyakan,

Laluna’t ang gabi’y singlalim

ng pag-aalinlangan.

Iisa lamang ang aking titiyakin

Sa iyo at sa iyong mga kaibigan,

Na kung papalisin mo ang kamay mong nakaharang,

Baka may naghihintay na palad

Na nagkukubli’t nahihiyang bumitaw,

Nagbabakasakaling ang iyong pagkakuyom

Ay bubukadkad na parang tapat na hiling,

At nangangarap ng makakahawak.

Mykel Andrada. 5:09am. September 10, 2010. Iba, QC.

Berso 6, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 8, 2010 at 3:40 pm

Kahit aligaga ang lahat

sa pakikinig sa kuwento

ng may kuwento,

kuwentong ipababaon

sa ibayong-dagat,

kinilig ang lahat ng kuntil

sa senyales ng iyong pagdating.

Dahan-dahan kang pumasok

sa hiniram na tahanan

nang hindi sumasayad

ang iyong mga talampakan

sa sahig na kinumutan

ng libag ng lansangan.

Nasa gitna ka ng silid,

inaakit ang lahat

kahit pa naglalangis

ang iyong kutis.

Parang bulaklak ang iyong mga tenga.

Bitbit mo ang halina

ng pinakamatamis na mansanas,

pulampula sa pagnanasa.

Dumurungaw ang ngiti

ng mga nagbibidahan

sa gabing ang sentro-

de-grabed ng paghuhuntahan

ay ang kaibigang mangingibang-

bayan, dala ang alaala

ng buntot mong kulot na kulot,

tanda ng higpit at tamis

nitong pagbibigkis.

Mykel Andrada. September 8, 2010. 3:40pm. Iba, QC.

Berso 5, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 8, 2010 at 3:10 am

Berso 5, Serye 2010

Mykel Andrada

Kinikilala ko ang aking pagkakamali

Tulad ng kinikilala ko ang hugis ng iyong mga mata:

Dalawang bangkang idinuduyan ng alon

At ipinaghehele ng umaalimpuyong tinig ng hangin.

Walang anumang pasintabi o paumanhin

Ang makasasapat sa nakaw na pagtingin.

Mykel Andrada. 3:07am. September 8, 2010. Iba, QC.