e-mykel

Archive for July, 2008|Monthly archive page

Mga Bugtong Kay Gloria Macapagal Arroyo

In Poetry | Tula on July 25, 2008 at 2:54 am

Ang Bugtong na Ina ng mga Sala

ni Mykel Andrada

Hayan na, hayan na di mo pa makita.

Korner na, korner na, sipa pa, sipa pa!

Baka ko sa Maynila, hanggang dito, dinig ang unga.

Baka ko sa Malakanyang, hanggang Estados Unidos, dinig ang pag-“oo nga!”

Ako ay may kaibigan, kasama ko kahit saan.

Siya ay may kaibigan, pang-suhol dito, pang-suhol diyan.

Ang alaga kong hugis bilog, barya-barya ang laman-loob.

Ang alaga kong bilog ang nunal, milyon-milyon ang nilolooban.

Sa liwanag ay hindi mo makita, sa dilim ay maliwanag sila.

Sa liwanag ay nakapamulsa, sa dilim ay nagbibilang pala.

Palda ni Santa Maria, ang kulay ay iba-iba.

Pera ni Santa Santita, ang kulay ay iba-iba.

Nagsaing si Hudas, kinuha ang tubig, itinapon ang bigas.

“Nagsaing” si Gloria, itinapon ang tubig, itinapon ang bigas.

Bahay ni Tinyente nag-iisa ang poste.

Bahay ni Presidente, mabuway na ang mga poste.

Bibingka ng hari, hindi mo mahati.

Bibingka ng Reyna, iniluluwa.

Ate mo, ate ko, ate ng lahat ng tao.

Ate mo, ate ko, ate ng lahat ng tuso.

Hiyas na puso, kulay ginto, mabango kung amuyin, masarap kung kainin.

Nunal na puso, kulay abo, magaspang kung hawakan, masarap tirisin.

Butong binalot ng bakal, bakal na binalot ng kristal.

May butong maitim pa sa tubig-kanal, may boses na tila nabasag na kristal.

Nagtapis nang nagtapis, nakalitaw ang bulbolis.

Nagsinungaling nang nagsinungaling, nakalitaw ang dalawang higanteng ngipin.

Aling pagkain sa mundo ang nakalabas ang buto?

Sinong presidente sa mundo ang sing-itim ng nunal ang buto?

Heto na si Ingkong, nakaupo sa lusong.

Heto na si Gloria, nakaupo sa pera.

Nakatalikod na ang prinsesa, mukha niya’y nakaharap pa.

Pinalalayas na ang Reyna, mukha niya’y nakangisi pa.

Balat niya’y berde, buto niya’y itim, laman niya’y pula, sino siya?

Balat niya’y kayumanggi, buto niya’y itim, laman niya’y pera, sino siya?

Kung tawagin nila’y santo, hindi naman milagroso.

Kung tawagin nila’y Gloria, wala namang ibinibiyaya.

Bahay ni Mang Pedro, punung-puno ng bato.

Bahay ni Aling Arroyo, punung-puno ng demonyo.

Nanganak ang birhen, itinapon ang lampin.

Nanganak ang Reyna, ipinaampon ang masa.

May langit, may lupa, may tubig, walang isda.

Nakatingala sa langit, nangamkam ng lupa, pinagmahal ang langis, pinagdamot ang bigas.

Bunga na ay namumunga pa.

Mayaman na ay nagnanakaw pa.

Hindi prinsesa, hindi reyna, bakit may korona?

Naging Prinsesa, ngayon ay Reyna, tinatanggalan ng korona!

Isang magandang dalaga, di mabilang ang mata.

Isang hambog na Ina, di mabilang ang sala.
* Ang mga linyang nakahilig o italicized ay mga bugtong na mula sa mga sumusunod na website: http://hubpages.com/hub/Bugtong_Filipino_Riddles_ at http://hubpages.com/hub/Bugtong-Filipino-Riddles-II. Ang mga lingyang hindi nakahilig ay politikal na adaptasyon ko ng mga nakahilig na bugtong.

GMA, Ang Aking Payong, Ihahambalos Ko Sa ‘Yo

In Videos | Bidyo on July 25, 2008 at 1:32 am

GMA, Ang Aking Payong, Ihahambalos Ko Sa ‘Yo

(Sa Tono ng “Umbrella” ni Rhianna)

Vlad Gonzales / CONTEND-UP

Pangarap ko, sa palasyo ‘ka’y lumayo.
Ang tangi kong hiling ay ang paglayas mo
dahil ang wangis mo’y nakangising demonyo.
Kaban nitong bayan, lagi mong kinakamkam, di ba?

Matagal nang lipas ang iyong araw!
Pamumuno mo’y di maaasahan!
Bayan ko’y lugmok na sa ulan,
bayan ko’y lugmok na sa ulan!

Boses ng masa’y babaunin,
tagumpay ay mapapasaamin!
Di mo na kami maiisahan,
di mo na kami maiisahan!

Di na, di na, hnde, h’nde h’nde,
hindi na maiisahan! (3x)

Di na, di na, h’nde, h’nde, h’nde, h’nde

Sweldong katiting, bigas pa lang ay bitin;
presyo ng langis, pamasahe ko ang buwis.
Pilipinong hinihilo mo’y kabisado na ang kilos mo.
Maliwanag na’ng lahat, di kami pabibitag, di na!

Matagal nang lipas ang iyong araw!
Pamumuno mo’y di maaasahan!
Bayan ko’y lugmok na sa ulan,
bayan ko’y lugmok na sa ulan!

Boses ng masa’y babaunin,
tagumpay ay mapapasaamin!
Di mo na kami maiisahan,
di mo na kami maiisahan!

Di na, di na, hnde, h’nde h’nde,
hindi na maiisahan! (3x)

Di na, di na, h’nde, h’nde, h’nde, h’nde.

piniratang preso at piniratang langis

In Opinion | Opinyon on July 22, 2008 at 12:26 am

Hindi ko pa sinisimulang panoorin ang Season 3 ng Prison Break dahil bukas ang Season 2 Finale nito sa Channel 9. Wala rin akong tiyagang hanapin ang last two episodes ng Season 2 sa youtube kaya pagtiyagaan ko at pagpuyatan ang episodes ngayon at bukas.

Para sa akin, eksayting rin itong Season 2, tulad ng Season 1, dahil impressed ako sa kung paano napalawig ng mga manunulat ng seryeng ito ang naratibo nito — ang pagbibigay ng makabuluhang back story, at higit sa lahat ang napakapolitikal na intensyon ng naratibo hinggil sa monopolyo sa langis at kung paanong ang interes ng iilang monopolyo kapitalista ang pinananaig na interes ng mga reaksyonaryong gobyerno tulad ng sa Estados Unidos at Pilipinas.

piniratang saging

In Opinion | Opinyon on July 21, 2008 at 2:40 am

Dito sa wordpress, automatic ang unang blog entry. Kailangan mo na lang i-edit.

Kaya heto ang aking unang blog entry. Pumili ako mula sa design templates ng magiging theme design ng aking bagong blog. At ito ang napili ko. Saging. Sa Puerto Rico, napanood ko kanina sa Channel 7 sa Pinoy Meets World, halos laging kasama sa mga putahe ang kanilang higanteng saging.

Pumunta kami ni Jerrie kanina sa SM Manila at sa Quiapo. Nakabili ako ng mga bagong Melaware (100% Melamine) na parisukat na pinggan, naka-sale. Pagdating sa bahay ay kinainan namin ng Mommy ko ang dalawa sa anim na platong ito.

Sa Quiapo, bumili ako ng piniratang DVDs ng Barbie Series (yung mayroong Mariposa) at ng Kung Fu Panda para sa magaganda’t malulusog na mga pamangkin kong sina Amery Keithlyn at Amber Leigh. Pagdating ko ay pinreview nila ang mga DVD. Bumili naman ako para sa sarili ko ng Prison Break Season 3 para hindi na ako mapuyat sa kaaabang sa Channel 9 / CS; at ng Daybreak dahil sa mga tinaguriang “indie” film ay isa ito sa hindi ko pa napapanood.

Alam ba ninyo na ang saging ay gawa sa potassium (K) at tubig. Kaya pagkakain mo ng saging ay maiihi ka agad matapos ang pitong minuto. Subukan ninyo! 🙂

At pati pala unang comment sa unang post ay automatic rin. Tingnan ang comment sa entry kong ito. 🙂