e-mykel

Archive for the ‘Berso Serye 2010 | Verse Series 2010’ Category

Berso 12

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on December 19, 2010 at 8:08 am

Nakahabol ako sa parada.

O baka hindi na rin talaga

sapagkat ang aking naabutan

matapos ang paghahanap

sa sarili sa gitna ng dagat

ng mga katawan at ingay

ay ang pagpaswit ng mga kulay.

Hindi kita nakita.

Naroroon ka lang, marahil

kasama ng mga kasama,

nakatingala rin marahil,

matapos ang mahabang

paglalakad, upang pagmasdan

ang pagsipol ng mga liwanag,

upang pakinggan ang pakikipagniig

ng mga piraso ng mga kulay

sa marungis na papel ng langit.

Nagtagpo kaya ang ating mga mata

sa mabilis na pagsabog ng liwanag?

O inapuhap mo kaya ang ibang irisa

na namingwit ng mga lumalangoy

na tala?

 

Mykel Andrada. Disyembre 19, 2010. 7:56am. Maginhawa St., Diliman, QC.

Berso 11

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on November 9, 2010 at 12:37 am

Berso 11

Ang buwan ay iyong ngiti

At ang iyong ngiti ay nagpalaya

Ng mga kalapati

Ang mga kalapati

Ay iyong mga daliri

Na humapon sa pugad

Ng dibdib.

Mykel Andrada. Nobyembre 8, 2010. 11:48pm. Via text sa sarili. Iba, QC.

Berso 10

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on November 9, 2010 at 12:34 am

Berso 10

Minsan, iniisip kita,

na parang alon na humuhuli ng hangin.

Minsan, niyayakap mo ang mga bato sa dagat

at nag-iiwan ka ng masuyong tapik sa buhangin.

Minsan, nananalamin sa ‘yo ang araw,

at nagmumugmog ka ng liwanag,

basang boses na pumapaimbulog

at nananahan sa mga kabibe.

Minsan, nangungusap ka na parang buwang

kumikindat at dumidighay ng pilak na liwanag

at nagpapasingkit sa aking mga mata.

Mykel Andrada. Nobyembre 5, 2010. 9:29pm. Via text sa sarili. Crystal Ship Bar, 20th Avenue, Cubao, QC.

Berso 9, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on October 1, 2010 at 4:04 am

Gumuguhit ka ng mga pangarap:

Mga pusang tahimik na nag-iingay

Sa malambot na kumot ng gabi.

Ang kanilang mga buntot

Ay lumilikha ng matataas na alon,

Ng mumunting kuntil na bundok,

Ng mararahang tapik sa tagiliran.

Ang kanilang mga paa’y

Nag-iiwan ng tahimik na mga bakas,

Ng mga balahibong kumakapit

Maging sa balat ng panaginip.

Marahan ang pagpuslit ng ngiyaw,

Sumusuot sa kuweba ng pandinig

Na parang taos-pusong pasasalamat.

At malilimutan ba ang buwan,

Nakasilip sa mga talukap na dahon,

At nananalamin sa kanilang mga mata?

Mykel Andrada. 3:59am. Oktubre 1, 2010. Iba, QC.

Berso 8, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 20, 2010 at 1:53 am

Nakita kitang kumukuha ng larawan

Isang hapong galit sa tubig ang araw

At ang lahat ng pawis ay nais sairin

Ng nag-uumapoy na dila ng kalangitan.

Ninakaw mo ang sandali ng binatang

Nagpapamanhikan ng usok sa baga,

Kaniig ng kaniyang mga labi

Ang maputing puwit ng nikotina.

Ang kaniyang noo’y arinolang

Nag-iimbak ng labis na tubig at asin

At taba at langis, at lahat,

Lahat ng dapat ipabalong

Na alaalang nagsusumiksik

Sa makipot na lansangan ng utak

At sa masikip na kalsada ng dibdib.

Ninakaw mo ang sandali

Ng asul-asong usok

Na gumuguhit ng mukha,

Ng ulap, ng dahon,

Ng pusang ngumingiyaw

Habang naglalambing sa pasmadong

Mga paa ng hangin.

Niyakap mo ang iyong pandaklot

Ng sandali, at sandaling niyakap mo

Ang sandaling iyon. Isang saglit

Na aking ninakaw, isinilid

Sa imbakan sa likod ng paningin.

Mykel Andrada. 1:46am. September 20, 2010. Iba, QC.

Berso 7, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 20, 2010 at 1:52 am

Huwag mong paniwalaan ang lahat

ng lumalabas sa aking bibig.

Dahil sa mga gabing tulad nito,

nangangapa ang kaba

At nagdadalawang-isip ang dila

sa kahahagilap ng mga salitang

Ipahahapon sa iyong tenga.

Ang halakhak ay maaaring bulong,

At ang katahimikan ay maaaring

nag-aalumpihit na sigaw.

Maaari ring naninimbang ang mga salita:

Kung paano ka sasagot,

Kung paano ka magpapailandang

Ng magkakarugtong na mga titik

Ng kawalang-katiyakan,

Laluna’t ang gabi’y singlalim

ng pag-aalinlangan.

Iisa lamang ang aking titiyakin

Sa iyo at sa iyong mga kaibigan,

Na kung papalisin mo ang kamay mong nakaharang,

Baka may naghihintay na palad

Na nagkukubli’t nahihiyang bumitaw,

Nagbabakasakaling ang iyong pagkakuyom

Ay bubukadkad na parang tapat na hiling,

At nangangarap ng makakahawak.

Mykel Andrada. 5:09am. September 10, 2010. Iba, QC.

Berso 6, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 8, 2010 at 3:40 pm

Kahit aligaga ang lahat

sa pakikinig sa kuwento

ng may kuwento,

kuwentong ipababaon

sa ibayong-dagat,

kinilig ang lahat ng kuntil

sa senyales ng iyong pagdating.

Dahan-dahan kang pumasok

sa hiniram na tahanan

nang hindi sumasayad

ang iyong mga talampakan

sa sahig na kinumutan

ng libag ng lansangan.

Nasa gitna ka ng silid,

inaakit ang lahat

kahit pa naglalangis

ang iyong kutis.

Parang bulaklak ang iyong mga tenga.

Bitbit mo ang halina

ng pinakamatamis na mansanas,

pulampula sa pagnanasa.

Dumurungaw ang ngiti

ng mga nagbibidahan

sa gabing ang sentro-

de-grabed ng paghuhuntahan

ay ang kaibigang mangingibang-

bayan, dala ang alaala

ng buntot mong kulot na kulot,

tanda ng higpit at tamis

nitong pagbibigkis.

Mykel Andrada. September 8, 2010. 3:40pm. Iba, QC.

Berso 5, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 8, 2010 at 3:10 am

Berso 5, Serye 2010

Mykel Andrada

Kinikilala ko ang aking pagkakamali

Tulad ng kinikilala ko ang hugis ng iyong mga mata:

Dalawang bangkang idinuduyan ng alon

At ipinaghehele ng umaalimpuyong tinig ng hangin.

Walang anumang pasintabi o paumanhin

Ang makasasapat sa nakaw na pagtingin.

Mykel Andrada. 3:07am. September 8, 2010. Iba, QC.

Berso 4, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on June 9, 2010 at 4:27 pm

Dumating ka’t naaligaga
sa pagpagaspas
ang sanlibo’t isang maya:
Kinaltag ang aking hugis-
makopang hawla,
naggumiit na lumangoy
sa dagat ng mga tala.

Mykel Andrada. June 8, 2010. 3:57am. Iba, QC

Berso 3, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on June 5, 2010 at 5:24 am

Ang elektronikong mensahe ay nagsisinungaling:
Kapag sinabi nitong lumabas kayo para kumain
Nangangahulugan talaga iyong paghahalikan
Sa loob ng sinehan. Kapag nagyaya itong manood
Ng sine, nanghihikayat talaga itong looban ninyo
Ang isa’t isa sa de-oras na mga silid-tulugan.

Mykel Andrada. June 5, 2010. 5:22am. Iba, QC