e-mykel

Archive for the ‘Salin | Translation’ Category

Salin ng mga Tulang Vietnamese (Circa 2004-2005)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on December 1, 2012 at 3:02 am

Isinalin ko ang mga tulang ito para sa klase ko kay Dr. Judy Taguiwalo sa CSWCD, circa 2004-2005.

 

Ang mga Bagay na Ipinadala Mo sa Akin

ni Nguyen Kho Diem (Vietnam)

Salin sa Filipino ni Mykel Andrada

Kaninang umaga, pagkalaya ko mula sa bilangguan,

Sumapi ako sa hukbo,

Walang nakapansin sa akin

Wala ni isang matang nanipat

Maging ako, sa aking salawal,

Ay di nagbusisi ng sarili.

Binigyan ako ng mga kasama ng isang A.K.*

Ang tumbong nito’y napingasan ng bala

Na siya ring kumitil sa isang kadre namin

Habang nakalapat ang pisngi ko sa baril,

Tila kapagkit ng pisngi ko ang pisngi ng namatay.

Matapos ang isang depensiba, sa Baoquoc pagoda,

Binigyan ako ng isang pares ng sandalyas

Sunog ang mga istrap, may bahid ng dugo ang suwelas

Naitumba ang kadre sa unang putok ng atake

Masyadong masikip ang mga sandalyas

Naglalakad ako na tila ang paa ko’y paa ng naitumbang kasama.

Sumunod na araw, pagbalik sa base sa likod ng mga linya

Binigyan ako ng mahusay na kumot

Kumapit doon ang pawis ng isang nawawalang kasama

Nang gabing iyon, mailap ang pagkahimbing

Ang buong katawan ko’y siya ang naiisip

Parang…

Sa loob ng dalawampu’t limang araw

Ang naka-asul na unipormeng rekrut

Ay naging armadong kawal, may mga linya sa braso

At sa aming mga telang-ranggo

Salamat sa lahat ng ipinadala mo sa akin

Tinatanggap ako maging ng mga mamamayan:

“Pagbati, kasamang kadre ng paglaya!”

* isang uri ng baril

Salin ng “The Things You Sent Me,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller

Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 132.

Hinggil sa may-akda:

Si Nguyen Khoa Diem ay ipinanganak sa isang rebolusyunaryong pamilya noong 1944. Sa kaniyang kolehiyo sa siyudad ng Hue kung saan siya nagmula, sa panahon ng rehimen ng Estados Unidos sa Vietnam, naging aktibista siya at ilang beses hinuli at ikinulong. Nang mapalaya siya ng opensibang Tet noong 1968, nagpatuloy siya sa paglikha ng mga akda sa mga pinalayang sona. May-akda siya ng mga koleksiyon ng tula: Dat Ngoai o (City Land, 1972), at Mat Duong Khat Vong (The Hopes of the Trail, 1974). Miyembro siya ng Sekretaryat ng Vietnamese Writers’ Union, naging Kalihim ng Association of Art and Literature sa probinsiya ng Binh Tri Thien sa Hue.

Ang Bahay ng Aking Ina

ni Huu Thinh (Vietnam)

Salin sa Filipino ni Mykel Andrada

Uuwi na ako sa iyo, ‘Nay

Tumitibok ang tiket ko sa tren tulad ng aking puso.

Muling nakasalo ang puwet ko sa kawayang upuan

Kung saan ka nananahi habang kinakalas ni Tatay ang kaniyang sandalyas

Sa isang iglap, nalalabusaw ang layo at distansiya

Nagkakapakpak ang saya at nagbibigay ng bagong buhay sa katre

Hayaan mong ako ang sumalok ng tubig

Magiging sisidlan mo ito ng panighaw sa uhaw

Hayaan mo akong magsaing — nang hindi ikinukubli ang usok*

Hayaan mo akong pasalamatan ang apoy sa sigaan

Na nagpakalma sa ‘yo nung ako’y malayo sa tahanan

Narito, tulad ng dati, ang sampayang nakatali sa poste

Araw-araw, tumataas ito para sa iyo

Isinampay ko ang aking damit, ipinaalala nito ang nagdaang mga araw

Tumatangis ang sampayan noong wala ang anak ng Ina

Malalim ang ukit ng gera sa buhay namin

Puno ng tubig ang isang butas sa aming delantera

Humapon na akong muli sa aming tahanan

Fraternal na pagbati ang isinalubong sa akin ng sapot sa dingding

Upang malabusaw ang distansiya, ang isang payak na manlalakbay

Ay kailangan lamang magbalik sa kaniyang pinagbuhatan

At yumungyong muli sa mga bisig ng Ina

Ngunit para sa aktibong kawal tulad ko,

Ang muling-paghahanap ng sarili ay nangangahulugan ng pagsulong

Pagpunyagi sa mga balakid at panganib

Upang makita ka roon sa daang pataas

Tulad ng pagkamasid ko sa ‘yo, ‘Nay.

Di pa man ako nakatutungtong sa delantera ng ating bahay

Nang sunud-sunod na agad ang putukan sa may harapan

‘Nay, maliit na istasyon ng tren ang ating bahay, ang ating mga buhay

Kami, na iyong mga anak, ay lumalagos roon, paulit-ulit, paulit-ulit.

1980

*Noong panahon ng gera, maingat ang pagluluto upang di mamataan ng kaaway ang usok.

Salin ng “My Mother’s House,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller

Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 133-134.

Hinggil sa may-akda:

Ipinanganak si Huu Thinh noong 1944 sa probinsiya ng Vinh Phu. Noong 1963 ay sumapi siya sa People’s Army at nagsilbing tankman. Noong 1982, nagtapos siya sa Nguyen Du LIterary Institute. Naging patnugot siya ng Seksyong Tula ng magasing Army Art and Literature. Miyembro siya ng Sekretaryat ng Vietnamese Writers’ Union (VWU) at naging presidente ng Young Writers’ Committee. Ginawaran rin siya ng VWU ng Literary Prize nong 1980. Ilan sa mga koleksiyon ng tula niya ang The Road to the City noong 1976, When the Child Hoa Was Born noong 1984, at From the Trench to the City noong 1985. Nagsusulat din ng prosa si Huu Thinh.

Isang Paillasse, Mainit

ni Nguyen Duy (Vietnam)

Salin sa Filipino ni Mykel Andrada

Isang maliit na bahay-kubo sa gilid ng sakahan

Kumatok ako: binati ako ng Ina, umiihip ang hangin

“Maliit ang aking tahanan, pero may matutulugang kuwarto

Wala ako ni katre o kumot”

Ginawan niya ako ng kamang-pawid

Narito ako, tila isang higad sa kaniyang tahanan

Matamis ang samyo ng pawid, hindi ako makatulog

Ang pino, malutong na pawid

Ay mas nakapagpapainit kaysa katre o kumot

Para sa lahat, pamatid-gutom ang isang butil ng bigas

Ngunit, itong mainit na pagpapaluwal ng pawid

At ang malutong na bango ng nahihinog na palay

Ay di madaling napagsasaluhan ng lahat.

Salin ng “A Paillasse, Mainit,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller

Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 134.

Hinggil sa May-akda:

Matapos mag-aral ay sumanib sa People’s Army si Nguyen Duy noong 1966. Nagtapos siya sa Philological Department ng Hanoi University at nagtrabaho para sa pahayagang Liberated Literature and Art. Ipinanganak siya sa probinsiya ng Thanh Hoa noong 1948.

Paglilinis ng Mina

ni Nguyen Duc Mau (Vietnam)

Salin sa Filipino ni Mykel Andrada

Dumaan roon ang gera, nagpunla ng mga mina

At sa atas ng iyong bansa, nagpunta ka bunutin ang mga ito

Muli, nilalambungan ka ng gera

Dito, ikaw ang huling kikitil sa gera.

Kaninang umaga, dumaraan ang mamamayan, bitbit ang mga bulaklak ng lotus

Ibinubuhos ng Tag-init ang bango nito sa buong siyudad

Ang unang Tag-init na walang-pintas ang asul na kalangitan

Sumasayaw ang mga salakot-tula* sa gilid ng Ilog ng mga Pabango

Nararanasan ng Hue ang unang Tag-init nito, pumapagaspas sa hangin ang mga bandila

Sa may bintana, nakaligid ang mga dilaw na bulaklak sa isang orkidya

Ito ang unang Tag-init na nakapaghuhuntahan ang mga tao hinggil sa kinabukasan nila

Dinadala ang bigas sa mga lugar na maaaring dapuan ng taggutom

Naroroon ang Tag-init: sa pagitan ng iyong puso at ng minang nakamamatay —

Isa lamang itong platong bakal

Perenyal na bisita ang kamatayan sa lupaing ito

Inihasik ng mga pagsabog ang mga punla ng takot at kasawian

Ang mga nangimay mong kamay

Ay dahan-dahang niluluwagan ang mga kurdon

Ang mga eskperto mong kamay

Ang mga kamay mong may kapangyarihan ng mahika

Ay pinipiga ang masungit na pliers

At tahimik, tahimik na tahimik ang pabilog na bakal

Nakakubli ang mga bomba tulad ng pugad ng mga anay

‘Yung iba’y hinuhunyango ang kulay ng lumot o bato

Batid ng mga bomba na kikitilin sila ng tao

Kaya hinahanap nila ang tao para kitilin ito

Binunot mo ang mga mina upang mabuhay ang ating mga kalye at mga puno

Para sa ating masayang mga umaga at para sa ating mga bukas

Husto na ang pagkaalam ko na sa susunod na Lunes

Ang mga kamay na nagpatahimik sa mga mina’y leave-pass na ang hawak-hawak

At ang tram na tumatalunton sa mga maputik na daan

Ay maghahatid sa ‘yo sa iyong pamilya

Matapos ang maraming taon ng pagkakawalay

Nakaunat na parang duyan ang mga anino ng mga kawayan sa iyong baryo

Aabutan ng iyong mga kamay ng pasalubong ang sampung-taong gulang na anak mo,

Makikilala niya sa unang pagkakataon ang kanyang ama

Susuyurin ng iyong mga daliri ang buhok ng iyong asawang

Sampung taong naghintay sa iyo, mga taon ng kaniyang kabataan

Ngunit kung ang isang tusong mina

Ay biglang kikitil sa iyo

Magiging eternal ang lupang iyong pagbubuwalan

Kung saan ka matutumba, patutubuin ng panahon ang mga damo

Kung saan ka mahuhulog, patatayuan ito ng mga tahanan

Nabura na noon ng iyong mga kamay ang babala: “Minefield”

Napalis mo na marahil noon ang huling detonaytor, napalis ang kamatayan

Dumaraan ang mamamayan kaninang umaga, bitbit ang mga bulaklak ng lotus

Ibinubuhos ng Tag-init ang bango nito sa buong siyudad

Hawak mo ang isang nadistrungkang mina sa iyong kamay

At iniitsa mo ito sa di-nangungusap na bansot na bundok ng bakal.

Hue, Hunyo 1975

*Nagsusuot ang mga babae sa Hue ng mga salakot na mayroong mga tulang nakasulat sa looban nito.

Salin ng “Mine Clearance,” na isinalin sa Ingles ni Alex Miller

Pinagmulan: Fattah, Ziad Abdel et al (mga pat.). Lotus: Afro-Asian Writings, Journal of Afro-Asian Writers Association, No: 57-1986. p. 135-136.

Hinggil sa may-akda:

Maraming koleksiyon ng mga tula si Nguyen Duc Mau. Ilan rito ang The Poem of the Soldier Going to the Front noong 1972, The Green Fire Land noong 1973, Rains in the Burning Forest noong 1976, Front Dress noong 1976, at The Man Looking for the Foot of the Sky noong 1981. Sumali siya sa Vietnamese People’s Army noong 1966. Ipinanganak siya sa probinsiya ng Hanam Ninh noong 1948.

Mabait ka ba?

ni Lam Thi My Da

Salin sa Filipino ni Mykel Andrada

Tulad ng pagtatanong ng palay sa lupa

Mabait ka ba?

Tulad ng pagtatanong ng puno sa hangin

Mabait ka ba?

Tulad ng pagtatanong ng ulap sa langit

Mabait ka ba?

Walang-hangganan ang aking langit

Kung saan namamaybay ang mga ulap mo

Di mauubusan ang aking hanging-hininga

Sa pagsuyo sa iyong mga puno

Malalim ang aking lupa

Sa ibabaw nito’y nakayukyok ang mga palay

Kaya bakit mo pa

Pinahihirapan ang iyong sarili

Sa pag-iisip kung

Mabait ako?

Hinggil sa may-akda:

Isa si Lam Thi My Da sa mga masugid na babaeng manunulat sa Vietnam. Ipinanganak siya noong 1949 at miyembro siya ng Executive Committee ng Vietnamese Writers’ Union. Ang koleksiyon ng mga tula niya noong 1982 ay pinamagatang The Song of the Land. Maraming napagwagiang gantimpala si Lam Thi My Da. Ilan rito ay ang patimpalak Van Nghe noong 1973, ang Literary Prize of Binh Tri Thien Province, at ang Literary Prize ng Vietnamese Writers’ Union noong 1981 hanggang 1983.

Landas ng Louschan (Salin ng Louschan Pass ni Mao Zedong)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on November 30, 2012 at 2:46 am

Landas ng Louschan (1935)

ni Mao Zedong / Salin ni Mykel Andrada

Hambog ang haplit ng habagat,

Nananaghoy ang mga ligaw na gansa

Sa limlim ng natutuod na buwan ng umaga.

Sa malamig na titig ng matang-langit,

Kumakalatok ang mga kamaong-kuko ng kabayo,

Ang mga tambuli’y humihibik.

Ipinagpapalo ng halaghag

Na itong magahum na landas

Ay pader na bakal.

Ngunit narito’t hindi napapagal ang aming mga hakbang,

Ngayo’y tinatahak ang taluktok ng daang mayabang.

Ang tugatog ay tinatalunton ng aming mga talampakan,

Ang lagislis ng burol ay umaalong bughaw na dagat,

Ang lumulubog na araw ay dugong di mapatahan.

Natapos isalin noong Nobyembre 30, 2012. 2:39nu. Iba.

Texto sa Ingles na pinaghalawan: http://en.wikipedia.org/wiki/Loushan_Pass

Pumepersonal o Maaari Ring Subok sa Sarili (Salin)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on June 9, 2010 at 4:18 pm

Salin ni Mykel Andrada
Orihinal sa Ingles ng “Essay on the Personal” ni Stephen Dunn

Dahil humantong nang ang personal
ay ang siyang tanging matimbang,
gumugugol tayo ng mga taon sa paglalarawan
ng baog na mga batong-buhay,
magkakatalikod na mga upuan,
kumukuyakoy na mga kubo —
hanggang sa handa nang lahat.
Lagi’t laging saktong kaba at tamang diskarte,
tulad ng pakiwari at pahiwatig ng pagpapalitan ng laway
o paglusot sa kalahating-pinid na pintuan.
Maigi’t nakapagsanay tayo sa mga bato,
mga bagay na maaari nating mahalin
nang hindi nangingilirang-luha.
Mabuti’t may sumampa, may nagbalikbayan sa kabundukan,
at inihabilin sa hangin ang kanilang mga kubo,
ngunit nilooban ng may malalaking tahanan
at pinatayuan ng dambuhalang palaruan.
Ngayon, may maipahahanga tayong kuwento
sa ating mga magulang. Hindi natin iniinda
ang sakit, kaya nating makipagtitigan sa araw.
Ngunit nang hinuha natin ay nakatitiyak na tayo,
sumasabat ang personal, sumasabay
sa paniniwala, pagtitiwala. Iyong mistulang malalim
ay nagmistulang inosente, nagmistulang mapaglalagakan
ng tiwala, sapagkat hindi pa natin nababasa si Marx
o napagtatalab ang dalawang magkatunggaling ideya
o dalawang puso o dalawang puson sa iisang araw.
Itong pag-ibig, matapos nito’y tila lumang pelikula.
Tila naging palasak ang kakapusan
at nakipag-isang-dibdib sa hangin,
upang ibuntung-hininga ang sarili, sinuman.
Naiwan sa atin ang mga pamamaraan,
mga natatanging tindig ng gulugod
at tilamsik ng dila, mga natatanging asinta
sa mga pagbusangot na nananatiling hungkag
hanggang bigkasin nating makahulugan ito.
Matapos ang paglukob ng liwanag at dilim,
ang paghahalinhinan ng dilim at liwanag,
matapos natin itong ipatanggap sa samu’t saring
mga sarili natin, humahapon tayo sa ating kubo
ng pag-ibig. Binabalikan natin ang lahat
ng kakaiba, absurdo, tulad ng pag-idlip
na kasama ka, tulad ng pakikipagtalik mag-isa.
Tulad ng pagtanggap sa mga bagay
na matagal nang pinaghahagkan ang ating mga kamay.

June 7, 2010. Iba, QC. 5:26am.

* * * *

Essay On The Personal
ni Stephen Dunn
Mula sa http://famouspoetsandpoems.com/poets/stephen_dunn/poems/14912

Because finally the personal
is all that matters,
we spend years describing stones,
chairs, abandoned farmhouses—
until we’re ready. Always
it’s a matter of precision,
what it feels like
to kiss someone or to walk
out the door. How good it was
to practice on stones
which were things we could love
without weeping over. How good
someone else abandoned the farmhouse,
bankrupt and desperate.
Now we can bring a fine edge
to our parents. We can hold hurt
up to the sun for examination.
But just when we think we have it,
the personal goes the way of
belief. What seemed so deep
begins to seem naive, something
that could be trusted
because we hadn’t read Plato
or held two contradictory ideas
or women in the same day.
Love, then, becomes an old movie.
Loss seems so common
it belongs to the air,
to breath itself, anyone’s.
We’re left with style, a particular
way of standing and saying,
the idiosyncratic look
at the frown which means nothing
until we say it does. Years later,
long after we believed it peculiar
to ourselves, we return to love.
We return to everything
strange, inchoate, like living
with someone, like living alone,
settling for the partial, the almost
satisfactory sense of it.

Sa Pag-ibig ng Tubig (Halaw)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on June 5, 2010 at 7:51 pm

Halaw ni Mykel Andrada
Orihinal sa Aleman ng “I Want to Go with the One I Love” ni Bertolt Brecht

Nais kong magpaanod sa kaniya.
Ayokong sukatin ang lakas o taas ng alon.
Hindi ko tiyak kung ito’y may saysay.
Ni ayokong malaman kung basa ang kaniyang puso.
Nais ko lang magpatangay sa pag-ibig ng tubig.

June 5, 2010. 7:26pm. Iba, QC.

* * * *

I Want To Go With The One I Love
Bertolt Brecht
Salin sa Ingles na nasa: http://www.poemhunter.com/poem/i-want-to-go-with-the-one-i-love/

I want to go with the one I love.
I do not want to calculate the cost.
I do not want to think about whether it’s good.
I do not want to know whether he loves me.
I want to go with whom I love.

Ngatog (Salin)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on May 28, 2010 at 1:32 am

Salin ni Mykel Andrada
Salin mula sa Ingles na salin ng isang haiku ni Basho

Tuod na tangkay
Pinangatog ng maya
Isang tag-init

May 28, 2010. mga 1am. Iba, QC.

Note: Nirequest ni Myan Lordiane na isalin ko ito, para sa kaniyang kinunang larawan na matatagpuan ninyo rito: http://www.facebook.com/#!/photo.php?pid=234591&id=100000430328814

English translation ng haiku ni Basho mula sa http://www.flickr.com/photos/mikepedroncelli/2053476347/

on a bare branch
the crow settles –
autumn evening

– Basho

TOPOGRAPIYA (Salin)

In Poetry | Tula, Salin | Translation on May 25, 2010 at 2:16 pm

Salin ni Mykel Andrada
Orihinal ni Sharon Olds

Matapos tayong magpailandang sa hangin
na sakop nitong tipak-tipak na lupain
at ng mga naipong tubig sa mga lubak,
nagpaubaya tayo sa kama at pinasalat
sa ating mga katawan ang buong mapa
ng pagniniig: mukha sa mukha, mula Timog
tungong Kanluran, ang aking San Francisco
del Monte laban sa iyong New York,
Cubao, ang iyong islang-apoy ng Camiguin
laban sa aking lango sa lambanog na Probinsiya ng Quezon,
ang aking Masbate na bilbil ng Kabikulan,
ang iyong naglalawang pusod ng Lanao del Norte,
ang aking maasim na Kamias
laban sa Kamias mong nagmamaasim,
ang may-asim mo pang Kamias
laban sa Kamias kong nagmumura,
ang mga mukha ng orasan mo sa munisipyo ng Maynila
na nakamulagat sa mga orasan ng noo, pisngi, tenga, baba,
leeg, batok: lahat napapakislot sa bawat pagkanti
ng mga daliri ng relo sa mga numero ng katawan.
At ang iyong araw na nanunuyod mula sa kanan
at ang aking araw na lumiliyad mula sa kaliwa,
ang iyong buwan na nadadarang mula sa kaliwa
at ang aking buwan na nanggagalugad mula sa kanan,
hanggang sa itong apat na katawang-
lupa’y magkapisan sa ikapitong langit,
lumalambong sa atin at pinagsasanib tayo,
lahat ng ating mga bayan, kambal, magkatambal,
at lahat ng ating mga pulo’y magkakaniig,
pinag-uugnay at pinasisikdo ng mga katas
ng isang bansang nangangarap
ng malayang pag-ibig.

May 25, 2010. 2pm. Iba, QC
Topography
by Sharon Olds
mula sa http://famouspoetsandpoems.com/poets/sharon_olds/poems/19526

After we flew across the country we
got in bed, laid our bodies
delicately together, like maps laid
face to face, East to West, my
San Francisco against your New York, your
Fire Island against my Sonoma, my
New Orleans deep in your Texas, your Idaho
bright on my Great Lakes, my Kansas
burning against your Kansas your Kansas
burning against my Kansas, your Eastern
Standard Time pressing into my
Pacific Time, my Mountain Time
beating against your Central Time, your
sun rising swiftly from the right my
sun rising swiftly from the left your
moon rising slowly form the left my
moon rising slowly form the right until
all four bodies of the sky
burn above us, sealing us together,
all our cities twin cities,
all our states united, one
nation, indivisible, with liberty and justice for all.

Mga Bariasyon sa Salitang Mahal

In Poetry | Tula, Salin | Translation on May 23, 2010 at 4:23 am

Salin ni Mykel Andrada
Orihinal sa Ingles ng “Variations on the Word Love” ni Margaret Atwood

Salita itong ating ipinangtatapal
sa mga butas. Tamang sukat ito para sa maiinit
na patlang sa pananalita, para sa pulang mga hugis-
pusong sining sa pahina na kailanma’y hindi
matutumbasan ang tunay na mga puso. Lagyan ng puntas
at ito’y maaari mo nang ilako.
Isinisingit rin natin ito sa isang blankong
espasyo sa nakalimbag na pormularyong
walang lakip na panuto. Mayroong
mga imbakang walang ibang laman
kundi ang salitang mahal, maaari mo itong
ipahid sa iyong buong katawan at maaaring ito rin
ang iyong ipangluto. Paano natin mababatid
na hindi ito kawangis ng palasak
na pagtatalik ng mga linta sa ilalim ng nagpapawis
na mga piraso ng karton? At para sa mga damong-
ligaw na masigasig na nanghahawan at nanlalaban
sa sukal ng mga litsugas, isinisigaw nila ito.
Mahal! Mahal! ang awit ng hukbo habang ipinangsasaludo
ang kanilang nagdidilaang mga pulang bandila.

At narito tayong
dalawa. Itong salita’y
masyadong matipid para sa atin, mayroon lamang
limang titik, lubhang kapos
upang mapunan ang malalalim
na kawalan sa pagitan ng mga tala
at ang kanilang nakabibinging pagkislap
na lumulukob sa atin.
Hindi pag-ibig ang hindi
natin hinihiling na paglagakan natin, kundi iyong takot.
Hindi sapat itong naturang salita ngunit
maaari na ito. Ito’y dalawang
pantig dito sa nakangangaligkig
na katahimikan, bungangang
paulit-ulit na umuusal, kapwa sa pagkamangha
at sa pagdurusa, hininga, daliri
mahigpit na kapit sa dalisdis. Maaari kang
kumapit o bumitiw.

Mykel Andrada. 4:10am. May 23, 2010. Iba, QC. Revised 4:30am, May 24, 2010.

* * * *

VARIATIONS ON THE WORD LOVE
Margaret Atwood
http://www.poemhunter.com/poem/variations-on-the-word-love/

This is a word we use to plug
holes with. It’s the right size for those warm
blanks in speech, for those red heart-
shaped vacancies on the page that look nothing
like real hearts. Add lace
and you can sell
it. We insert it also in the one empty
space on the printed form
that comes with no instructions. There are whole
magazines with not much in them
but the word love, you can
rub it all over your body and you
can cook with it too. How do we know
it isn’t what goes on at the cool
debaucheries of slugs under damp
pieces of cardboard? As for the weed-
seedlings nosing their tough snouts up
among the lettuces, they shout it.
Love! Love! sing the soldiers, raising
their glittering knives in salute.

Then there’s the two
of us. This word
is far too short for us, it has only
four letters, too sparse
to fill those deep bare
vacuums between the stars
that press on us with their deafness.
It’s not love we don’t wish
to fall into, but that fear.
This word is not enough but it will
have to do. It’s a single
vowel in this metallic
silence, a mouth that says
O again and again in wonder
and pain, a breath, a finger
grip on a cliffside. You can
hold on or let go.