e-mykel

FBI (Facebook Interview): Mga Kanta ng Eraserheads at Feminismo

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon, Personal Essay | Personal na Sanaysay on March 8, 2014 at 1:42 pm

Mga sagot ko sa Facebook Interview ni Cloi Sugano ng UST Conservatory of Music hinggil sa kanilang pananaliksik sa Filipino na “Feministang Pagsusuri sa Imahe at Papel ng mga  Likhang Tauhang Babae sa Pilipinong Awitin ng Bandang Eraserheads.” Marso 8, 2014.

 

1. Ano ang katangian ng mga awiting pop culture?

Ang kulturang popular o popular culture ay nilikha hindi ng mamamayan kundi ng mga kapitalista, negosyante. O di kaya naman ay kumukuha ng mga manggagawa, composer, artista ang mga kapitalista, pinopondohan nila at binabayaran nila ang mga ito para lumikha ng iba’t ibang kultural na produkto tulad ng awit, pelikula, panitikan, teleserye. Ngunit ang mga ito’y nasa kontrol at kapangyarihan ng mga namumuhunang kapitalista, may-ari ng pinakamalalaking kumpanya sa telebisyon, pelikula at recording industry.

 

Kung kaya’t pag sinabing pop culture, hindi naman talaga ito sa simula popular sa masa. Ang pop culture na mayroon tayo ay artipisyal at burgis na kulturang popular na ipinapackage, inilalako at isinusubo ng mga negosyante sa mamamayan. Ang kulturang popular ay nilikha para sa kita, para tayo ay pagkakitaan. Hindi ito talaga mula sa mamamayan. Ang popularidad ay isang produkto ng masalimuot na sistema ng pang-uuto – ng pagbaha sa media na kanilang pagmamay-ari ng mga produktong kultural tulad ng pelikula, television shows, awit na gusto nilang ibenta sa mamamayan sa mataas na halaga.

 

Kaya sa kasalukuyan, ang awiting popular ay popular lamang dahil ito ay nasa kontrol ng mga negosyante at makapangyarihan. Kung ano ang gusto nilang gawing popular, iyon ang kanilang gagawing dominante sa industriya ng TV, radio at sine.

 

Ang mga awiting popular o awitin na nakapaloob sa kulturang popular ay kakakitaan ng mga katangian ng pagiging konsumerista, indibidwalista, kontra-babae at kontra-LGBT, burgis, pyudal at kolonyal. Konsumerista dahil binibigyan tayo na ang ideyal na bahay ay nasa mundo ng kapitalismo at konsumerismo – ang magkaroon ng maraming pera para magawa ang lahat ng bagay. Indibidwalista ito dahil hindi nito pinahahalagahan ang kolektibong pagkilos ng mamamayan at iniaasa lamang sa indibidwal o sarili ang kalayaan sa buhay at lipunan. Kontra-babae ito dahil ang awiting popular ay ginagamit ang babae para ibenta, ang kaniyang seksing katawan, ang sex per se. Gayundin, kontra-babae ito dahil isinasadlak nito ang babae sa pagiging pantahanan lamang, laruan lamang, puta at iba pang pangmamaliit at pambibiktima. Kontra-LGBT ito dahil bastos ito sa mga bakla, tibo, bisexual at transgender. Ginagawa lang nitong katatawanan ang LGBT. Burgis ito dahil kontra-mahirap ito. Lagi nitong minamaliit at minamasama ang mga manggagawa at magsasaka at mahihirap. Ang bida palagi na tagasagip ay mayaman, kapitalista. Pyudal ito dahil ipinapalaganap nito ang bulag na pagsunod sa mga batas ng pamahalaan, pamilya, simbahan at mga institusyon ng mga kapitalista at naghaharing uri, kahit na ang mga batas na ito ay mali, lisya at kontra-mamamayan. Kolonyal ito dahil ang sinasabing tagapagsagip ay dayuhang imperyalista. Iyan ang kalakhan ng awiting popular sa kasalukuyan.

 

 

2. Ano ang kaibahan ng paggamit ng kababaihan sa awtin ng Eraserheads sa ibang awiting pop na may tauhang kababaihan?

Iba-iba ang portrayal ng kababaihan sa mga awit ng Eraserheads. Kung susuriing mabuti, may mga kanta ang Eheads na mapagpalaya sa kababaihan ngunit marami rin ang kontra-kababaihan. Halimbawa, tinitingnan ng mga kantang tulad ng “Sembreak” ang babae bilang pantasya sa masturbatory practice ng lalaki. Habang yung mga kantang “With a smile” naman ay may sinserong pag-ibig sa babae. Marami pa iyan.

 

3. Ano ang pagkakapareho ng paggamit ng kababaihan sa awitin ng Eraserheads sa ibang awiting pop na may tauhang kababaihan?

Halos wala namang ipinagkaiba. Kasi dominante pa rin sa kaisipan ng Eheads sa mga kanta na ang tingin sa mga babae ay syota lang, pangtahanan, kaaway, kaibigan, minsan kasama sa pagpapalaya ng lipunan. Pero kalakhan ay sex object lang rin naman ang portrayal ng Eheads.

 

4. Ano ang kaibahan ng ng awiting pop ngayon sa mga awitin ng Eraserheads dati?

Yung mga awiting pop ngayon, yung ilan, ay mayroon namang pag-igpaw. Halimbawa, mga kanta ni Gloc 9, na tinatalakay ang mga pakikibaka ng mga kababaihang OFW at mahihirap, laluna yung mga kababaihang guro. Pero mas maraming awiting pop ang kontra-babae, sex object lang ang tingin sa babae at hindi pinapalaya ang babae.

 

5. Sa iyong palagay, ano ang implikasyon ng awiting pop culture sa pagtingin ng lipunan sa kababaihan?

Malaki. Kasi ang awitin at kahit ano pang midya at kultural na porma ay mga daluyan ng ideolohiya at politika. Kaya kung kontra-babae ang dominante sa awiting popular, malaki ang tsansa na kontra-babae ang matutunan ng tagapakinig. Puwede rin namang sa pamamagitan ng mga pananaliksik at pag-aaral ay maipakita at matunggali ang kontra-babaeng ideolohiya sa pamamagitan ng peminista at marxistang kaisipan.

 

6. Ano ang malalim na pagtingin ninyo sa awiting Huling El Bimbo ng Eraserheads?

Isa ito sa mga kanta ng Eheads na masasabing nagtatalakay ng coming of age ng isang lalaki at isang babae. Ang nostalgia ng personang lalaki na nagsasalita sa kanta ay umaalala sa kanyang dalisay na karanasan noon sa kanyang iniibig na babae. Ipinakita sa El Bimbo kung ano ang kinahinatnan ng isang babae sa isang lipunang pinatatakbo ng makalalaking sistema (patriarkiya) at ng malakolonyal at malapyudal na lipunan na puno ng kahirapan. Ang babae ay naging tagahugas ng pinggan sa isang eskinita, malinaw na walang programa ang gobyerno para sa mahihirap, ang trabaho ay mahirap pero maliit ang sahod. Nasagasaan siya ng sasakyan, ngunit walang hustisyang nakamit. Kaya may bahagi na nagpapakita ito ng nararanasang pambibiktima sa babae, gayong ang kanta ay may hibo pa rin ng sexism dahil ang inaassume nitong tagapagligtas ng babae ay ang lalaki.

 

7. Ano ang malalim na pagtingin ninyo sa awiting Ligaya ng Eraserheads?

Dito pinapakita ang lalaking persona bilang manliligaw ng babae – at ang babae ay pinapangakuan ng kung ano-ano tulad ng paggawa ng thesis basta lamang sagutin ng “oo” ang lalaki. Parang bribery. Pero at the same time, ang inooffer ng lalaki ay “walang humpay na ligaya” sa “tanghali, sa gabi at umaga”. At ultimately, ang pangako “mabubuhay nang tahimik at buong ligaya.” Kaya tatanungin natin yung Eheads: ito ba yung mga pangako na bago o stereotype na pangako ng lalaking nanliligaw sa babae. Siyempre, yung kanta, panliligaw na kanta lang ito. At sinasabi ng lalaking persona sa kanta na hindi siya manyakis – ibig sabihin na pure at chaste ang hangarin sa babae at hindi sex na karaniwang istiryotipo. Puno ng pangako, tulad nang nakikita madalas sa lipunan. Relatively, safe ang kanta. Happy lang. Pero sa malalimang pagsusuri, hanggang dun lang iyon. Wala namang pangako ng emancipation talaga, though may pangako ng happy life.

 

8. Ano ang malalim na pagtingin ninyo sa awiting Magasin ng Eraserheads?

Kontra-babae ang kantang Magasin. Pangit ang trato ng lalaking persona sa kanyang ex-girlfriend noon. Niloko at pinaiyak pa nga niya ito. Nanghinayang siya nang makita sa magasin na ang ex niya ay maganda at sikat na. Nanghihinayang siya dahil maganda na ngayon ang ex niya samantalang basura ang trato niya sa babae noong pangit pa ito at magkasintahan sila. Nagulat siya nang malamang bold o porn magazine pala ang kinalalagyan ng kanyang ex. So dito makikita na sex object at pornographic object ang turing sa babae – ikinakalakal na laman sa merkado ng kalalakihan. Hindi nito pinalaya ang babae, sa katunayan, sa dulo ng kanta, napaka-macho (superior ang tingin sa lalaki) at sexist (inferior ang tingin sa babae) dahil sabi ng lalaking persona ay (1) sayang dahil wala o kulang ang pera niya pambili ng porn magasin at (2) sana sa susunod na isyu ay centerfold na ang ex niya. Ibig sabihin, sa halip na naisin niya na makalaya mula sa ganitong prostitusyon ng pornograpiya ang babae ay ninais pa niyang magpatuloy sa ganitong kalakaran ang ex niya. Walang pagmamahal sa babae, puro kalibugan lamang. Ginawa nitong ang relasyon niya sa babae ay konsumer (lalaki; bibili) at kinokonsumong produkto (babae; produkong sekswal na bibilhin).

 

9. Ano ang malalim na pagtingin ninyo sa awiting Spoliarium ng Eraserheads?

Komitment at pagnanais ng paglaya, na hindi matakasan ng isang lalaki. Bagama’t abstrakto ang kanta kung kaya’t wala naman talagang malinaw na mensahe ng paghulagpos mula sa lusak o dusting kalagayan. May pagnanais o attempt na humulagpos pero hindi matuloy.

 

10. Sa inyong tingin epektibo ba ang pop culture sa paghahayag ng kasalukuyang isyung kinahaharap ng mga kababaihan sa ating lipunan?

Hindi magaganap sa kulturang popular na palayain nang buong-buo ang kababaihan, dahil ang kulturang popular ay hawak ng iilan. May tinatawag na hegemony o gahum – isang makapangyarihang sistema – at ito’y nasa kapangyarihan ng iilan lamang – mga kapitalista, panginoong maylupa at mga burgesya, kasama rito ang dominanteng kaisipan ng patriarkiya bilang gahum na kontra-babae. Kaya ang kulturang popular sa kalakhan ay hindi kailanman magpapalaya sa kababaihan dahil ito ay ginagamit lamang para sa negosyo, para kumita, para panatilihin ang mga dominanteng kaisipan. Sa marami nang attempts sa history na magkaroon mga TV show, sine at kanta na nagpapalaya sa babae, ito ay nalulunod nang mga hegemoniya ng naghaharing uri at naghaharing kasarian. Hindi epektibo ang popular culture para matalakay nang buong-buo ang mga isyu ng kababaihan at para maghapag ng alternatibo para mapalaya ang kababaihan. Ika nga, the revolution will not be televised, sa mundo at lipunang pinaghaharian ng ayaw ng rebolusyon ng mamamayan. Kung gusting magpalaya ng kababaihan, kasama na ang iba pang inaaping sektor ng lipunan, kailangan ng rebolusyong pangkultura, o cultural revolution. Kailangan ang kultura ay maging sandata para palayain ang inaapi at gapiin ang nang-aapi. Puwedeng magbasa ng Mao Zedong articles on cultural revolution and women, nasa internet lang iyan. At higit sa lahat, hindi sapat ang cultural revolution lamang — kailangang mag-rebolusyon mismo ng kababaihan kasama ang lahat ng kasarian at siyempre yung rebolusyong iyon ay kasama dapat ang malawak na sambayanan ng iba’t ibang inaaping sektor at uring panlipunan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: