e-mykel

Negosyong Nikotina o Kung Bakit Nakadidilaw ng Ngipin ang Yosi*

In Issues| Isyu, Opinion | Opinyon on June 6, 2010 at 2:02 am

Unang nalathala rito: Negosyong Nikotina o Kung Bakit Nakadidilaw ng Ngipin ang Yosi*.

Matagal na rin akong naninigarilyo, simula pa fourth year high school. Natagpuan namin ng matalik kong kaibigan noon ang halina ng sigarilyo, ilang buwan bago kami opisyal na magtapos ng high school: bonding moment, ideya ng pagiging cool, sense of freedom, at sense of maturity. Pinaso pa nga namin ang bahagi ng aming braso bilang simbolo ng wagas na pagkakaibigan (pero ngayon, kahit sa Facebook, hindi na kami nagpapansinan).

Pero kahit na may ganito kaming mga ideyang ikinakabit sa paninigarilyo, nananatili na kahit nasa labas na kami ng kampus, alam naming may mali sa aming ginagawa. Ano pa nga ba’t bago maglabas ng istik at bago magsindi nito ay titiyakin naming nakakubli kami mula sa paningin ng aming mga guro at ng mga posibleng sumbungerong kaklase o kaeskwela. Ano pa nga ba’t ikinukubli namin noon sa aming mga magulang at kamag-anak na kami ay naninigarilyo dahil sa takot na makagalitan o mapagsabihan.

Alam naman naming hindi nakabubuti sa kalusugan ang paninigarilyo. Na nakasisira ito ng ozone layer at ng katawan ng tao. Ilang beses ko nang sinubukang huminto. Una, nang wala na akong pambili ng yosi. Ikalawa, nang lagi na lang akong may ubo, tonsillitis, herpes (singaw!); halatang humihina ang immune system. Ikatlo, nang muli na naman akong atakihin ng pag-uubo, pagtotonsillitis, pagheherpes (singaw nga!). Pinakamatagal ko itong paghinto ng paninigarilyo; kulang-kulang isang taon akong di nagnikotina! At simula nga ng nakaraang taon, matapos na naman akong makatikim ng yosi sa Baguio, dahil malamig at cool tumoma nang may visual effect ng usok ng yosi, ay kinakabayo na naman ng nikotina ang aking sistema.

Ang love-hate relationship ng tao at sigarilyo ay sinusubaybayan ng mundo. Sa Pilipinas, hindi nga ba’t plano ng Department of Health (DOH) na ilakip sa mga pakete ng sigarilyo ang iba’t ibang graphic warning tungkol karima-rimarim na epekto sa katawan ng tao na ibinubunga ng adiksyon sa nikotina? Habang pinaplano ito ng DOH, mamamasdan namang mas intensibo ang paglalako ng mga kumpanya ng tabako: kabi-kabilang patalastas sa radyo, telebisyon, diyaryo at internet. Sa mga umpukan ng inuman, bumabalandra ang mga seksing babae sa pagbebenta ng Marlboro, inaakit ang kalalakihang lango at namimilog ang mga mata upang bumili ng mga pakete ng nikotina. At hindi nga ba’t nung kasagsagan ng eleksyon at matapos ang eleksyon ay isa sa pinagpiyestahan ng mainstream midya ay ang nakuhanang bidyo ng paninigarilyo ni Noynoy Aquino?

At dumami ang spekulasyon hinggil sa pagyoyosi ng bagong tuta ng imperyalismo. Maraming payong kaibigan at payong kaaway ang nakuha ni Noynoy: May batas na nagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga gusaling pampamahalaan, kabilang rito ang Malakanyang. Maaaring maging isyung panseguridad para kay Noynoy ang paninigarilyo sapagkat kakailanganin pa niyang lumabas ng kaniyang opisina at ng mismong Malakanyang para makapagsuba. Puwede ngang itanong kay Noynoy kung “Paano niya paglilingkuran ang bayan kung dumaragdag siya sa pagsira ng kalikasan?” Sa primarya, dalawang landasin ang pinatutunguhan ng mga ipinupukol na komento sa pagyoyosi ni Noynoy: una, isyung pangkalusugan at ikalawa, isyu ng politikal na paninindigan. Malinaw sa sagot ni Noynoy, tulad ng karamihan ng walang politikal na katatagan (o political conviction) sa pagtigil sa paninigarilyo, ay susubukan niyang magbawas ng paninigarilyo.

Ano ngayon ang maaaring mabasa mula sa ganitong pahayag ni Aquino?

Una, na si Noynoy Aquino, tulad ng maraming Pilipino, ay produkto ng isang mahaba at bayolenteng pamamayagpag ng kapitalistang negosyo ng industriya ng nikotina sa Pilipinas. Na ang adiksyon sa nikotina ay isang sistematikong pagkokondisyon ng mga negosyanteng tulad ni Lucio Tan upang tangkilikin ang kanilang mga produkto. Ikalawa, na ang paninigarilyo ay isang luhong mamamasdang mula sa iba’t ibang uring panlipunan; mahirap man o mayaman ay naninigarilyo. Ikatlo, ngunit bagama’t ang pagpapakatanga sa nikotina ay luhong matatagpuan sa halos lahat ng uring panlipunan sa bansa, mayroon pa ring panlipunan dimensiyon o pag-uuri ang paninigarilyo. Hindi dapat ituring na “the great equalizer” ang paninigarilyo. Sa pangkalahatang tanaw, mas mura ang yinoyosi ng mga magsasaka at manggagawa kaysa sa sinisigarilyo mga negosyante, artista, yuppie at politiko. Ikaapat, na dapat nang pagsikhayan ng pamahalaan, at maging ng progresibong kilusan, ang malinaw na programa sa paghinto sa paninigarilyo bilang bahagi ng tunay na pagpapalayang panlipunan.

Ikalima, na dapat magkaroon ng rekognisyon na ang monopolyo ng iilan sa industriya ng tabako sa bansa at sa pandaigdigang saklaw ang tunay na nakikinabang sa kolektibong paghithit ng mga mamamayan. Kung kaya’t huwag nang magtaka na bagama’t may produktong pangkalusugan na maaari namang sentrohan ng naturang industriya, mas nakaimbudo pa rin ito sa intensipikasyon ng adiksyon sa nikotina. Ikaanim, at sa kasong ito, ang susunod na lider-lideran ng bansang si Noynoy ang mangunguna sa patuloy na paninilaw ng mga ngipin ng ating lipunan.

Salamat kay Teo S. Marasigan sa pagpapaalala na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng paninilaw ng ngipin, hindi ba, Noynoy? :-)

June 5, 2010. 4:55am. Iba, QC

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: