e-mykel

Martial Law at Nakatuping Pink na Papel

In Opinion | Opinyon on December 5, 2009 at 10:19 pm

Nagising ako kaninang umaga ng mga text ni Manay Judy. Actually, nagising muna ako; tapos ay lalo akong nagising dahil nang mabasa ko ang mga text ni Manay Judy ay tungkol ito sa pagtitipon na isasagawa ng BAYAN sa Boy Scouts Plaza sa Timog / Morato para tutulan ang deklarasyon ng Martial Law. Ang una kong naisip ay ito: “Martial Law sa Maguindanao o sa buong Pilipinas? Kung sa buong Pilipinas, ayoko. Kung sa Maguindanao, ayos lang.”

Nakakapagtaka ang ganitong reaksyon ko. Kahit ako mismo ay nawiwirdohan kung bakit sa ilang saglit ay pabor ako sa deklarasyon ng Martial Law. Binuksan ko ang TV. Showtime sa Dos kaya sa paglilipat ko ay sa Channel 4 tiyempong nire-replay ang pag-aanunsiyo ng Martial Law sa Maguindanao. Habang binabasa ang proklamasayon, lalo pa akong naniwala na kailangang na nga siguro ng Martial Law sa Maguindanao: pag-aarmas ng mga pribadong armado ng makapangyarihang pamilya sa Maguindanao. Dagdag pa rito, ipinaliwanag ng Malakanyang na hindi na raw gumagana ang judicial system sa Maguindanao sapagkat walang korte at walang hukom ang gustong mag-isyu ng warrant of arrest.

Siyempre, sa loob-loob ko ay alam kong kahit na anong Martial Law ay hindi nakabubuti para sa alinmang bayan o bansa. Sabi nga ni Manay, baka dahil may sakit ako kaya ganun ang inisyal kong reaksyon. Para nga akong sabaw mag-isip. Pero nung napanood ko na ang ikalawang press con ng Malakanyang para sa araw na ito kaugnay ng deklarasyon ng Martial Law, doon ko napagtibay na hindi naman talaga makabubuti ang proklamasyong ito. Halatang nangangapa na ang Malakanyang sa mga rason kung bakit kailangang magdeklara ng Martial Law, laluna nang pumapailanlang na ang mga batikos ng mga abogado, grupo, mamamayan at mga dating biktima ng Martial Law: suspension ng writ of habeas corpus atbp. May isang reporter nga sa press con na nagtanong kung ano ang politically correct term sa pag-aresto sa ilalim ng Batas Militar: warrantless arrest, arrest, invitation? Walang matinong sagot ang Malakanyang, dahil ang katotohanan ay pag-aresto talaga ito.

Hindi naman ako nakadalo sa kilos-protesta kanina laban sa Batas Militar. Hindi rin ako nakapasok sa dalawang klase ko ngayong araw. Mayroon akong viral infection pero masaya ako dahil pagaling na ako. Epektibo naman ang gamot na tuwing apat na oras kong iniinom. Natuwa rin ako nang sobra, at naiyak pa nga habang naglalakad pauwi, pagkakuha ko ng resulta ng ikalawang blood test ko. Kahapon kasi, sa unang blood test result ko, nakita ng doktor na mayroon akong viral infection. Ordinaryong trangkaso raw, sabi ng doktor sa Infirmary. Yung isa pang doktor ay pinababantayan sa akin yung platelet count. Normal naman ang platelet count ko kahapon: 183; ang normal range ng platelet count ay 160 to 400 something. Kaya kanina, mga pasado ala una, naglakas loob na ako na magpablood test uli. Mga alas dos ng hapon na ako nakunan ng blood sample. Sinabi sa akin ng med tech na alas tres ng hapon ko ito makukuha.

Tumambay muna ako sa KFC sa may Welcome, Rotonda. Pag may mga batang napapalapit sa lugar kung saan ako nakaupo, sa KFC man o sa ospital o habang naglalakad, pinipigil ko ang paghinga at tinatakpan ko ang aking bibig at ilong, para maiwasan kong makahawa ng iba. Hindi ako pinapasok ng doktor sa eskwela para hindi raw ako makahawa ng estudyante. Nang ilang minuto na lang ay mag-a-alas tres na, bumalik na ako sa laboratory sa UDMC. Pero 15 minuto pa raw bago ilabas ang resulta ng aking blood test. Pagtingin ko sa relo ng laboratory at sa relo ng cellphone ko, advance pala ang relo ng aking cellphone. Hindi ako mapakali sa pagkakaupo. Patayo-tayo ako, palabas-labas ng bulwagan ng ospital, dahil marami-raming bata ang napapalapit kung saan ako nakapuwesto. Kinakabahan man ako ay hindi ko pa rin mapigilan na tumingin-tingin sa mga taong may hitsura, hehehehe.

Matapos ang 15 minuto, nakuha ko na ang resulta ng blood test ko. Nakatuping pink na papel, nakalagay ang aking pangalan. Nagdasal ako, nagkrus, umusal ng maikling taimtim na dasal na sana’y normal ang resulta ng aking blood test at sana ay tumaas pa ang aking platelet count. Pagkabukas ko ng nakatuping papel, nakita ko na normal ang Hematocrit ko: 0.42; ang normal range ay 0.40-0.52. Sumunod ay nakita ko ang platelet count ko: 203; tumaas pa ng 20 kumpara sa 183 ko kahapon. Masayang-masaya ako, napaluha sa tuwa. At habang naglalakad sa MMDA Footbridge, nakatingala ako, na parang tinatanaw ang krus ng simbahan ng Sta. Teresita Parish. Umusal ako ng dasal, nagpasalamat, at humiling nang taimtim, na sana ay gumaling na ako completely, na hindi ko mahawaan ang aking mga pamangkin, ang aking nanay, tatay, sina Karen at Mark, at ang lahat ng kapamilya, kina Shiela, mga kapitbahay at kahit sino.

Masaya ako talaga. Salamat po, Papa Jesus, Mama Mary, St. Therese at Baby Jesus!๐Ÿ™‚

Maraming salamat rin sa aking Mommy na sobrang mapagmahal at mapag-alaga! At kay Jerrie na tunay kong kaibigan! Masaya rin ako na okies na ang mommy ni Jerrie!๐Ÿ™‚

* * * *

Ganito ba ang Third World Marxism? Naniniwala ako sa Diyos pero naniniwala rin ako sa ideya ng rebolusyong sosyalista.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: