e-mykel

Archive for the ‘Poetry | Tula’ Category

SIPON

In Poetry | Tula on April 1, 2011 at 3:48 pm

Sipon

Mykel Andrada

 

Bukas raw ay magtataas na naman ng presyo

ang langis. Dumaloy ang masaganang

sipon mula sa kanang kuweba ng aking ilong.

Ipinampunas ko ang kamisetang

may mukha ni Superman.

Kumapit ang ilang natirang lagkit

sa aking kaliwang hintuturo’t hinlalaki.

Piningot ko ang sariling ilong

at dahan-dahang suminga para bumulwak

ang naimbudong hangin sa aking mga tainga.

Humikab ako at narinig kong lumabas

mula sa mga tarangkahan kong labi

ang urong-sulong na hilik ng madaling araw,

ang paghaharutan ng mga pusa,

ang namamaos na tilaok ng tandang,

ang garalgal ng konstruksyon ng condo,

ang nangangasong sipol ng takore,

ang nagmumumog na makina

ng mga jeep, bus at iba pang sasakyan.

Hindi pa naiuutot ng aking mga tainga

ang lahat ng bigat ng hangin sa likod

ng aking noo. Lumabas ako ng bahay

at pinausukan ng nikotina ang nagmamadaling

langit: sing-itim ng gasolina ang mga ulap,

minamantsahan ang mayabang

at naninilaw na buwan.

Humatsing ako na parang sunud-sunod

na busina ng nagmamartsang trapik

sa kalsada.

 

 

Iba, QC. March 29, 2011. 3:57am.

 

ELBI

In Poetry | Tula on April 1, 2011 at 3:40 pm

Elbi

Mykel Andrada

 

Isinisingit kita sa pagitan ng pagsusulat

Ng mga bagay na mahalaga sa akin

Tulad ng papel para sa klase,

Polyeto para sa kampanya natin,

Tugon sa mga tanong ng estudyante,

O mga tala ng huling pulong na lihim.

May mga lihim akong nagsusumiksik

Para magpailandang at lumaya:

Isang bungkos ng mga salitang

Pinagigitnaan ng mga espasyo

At mga blangko at iba pang uri ng damdaming

Tila mataas na bundok na masukal sa halaman

O banga sa sementadong isaw na daan,

O maikling tulay na minsa’y kailangang pangilagan

Dahil sa mga kuwento ng humahabang kababalaghan;

O mga sandali ng pagbisita sa lumang kahoy na tahanan,

O mga bubuyog na lumalapit sa ilaw

At gagambang tumatahi ng bahay

At ginagawang mga posteng kapitan

Ang kisame at ang kaliwa kong kamay.

Tila rin tuko na nagsumuot sa gubat

Ng mga gamit na pansamantalang pinahalukipkip

Sa dalawang sulok ng salas.

Isinisingit kita sa pagitan ng pagsusulat

Ng mga bagay na mas mahalaga sa akin

At saka ko lamang mapapansin

Na itong kisameng pinaglalagian

Ng mga agiw, pako, at pundidong mga ilaw

Ay lumilikha ng napakarami mong mukha,

Lumalapit sa aking mga pisngi at labi,

Habang ako naman ay napapipinid.

 

 

UPLB Forestry. 4:52pm. March 27, 2011.

 

Berso 12

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on December 19, 2010 at 8:08 am

Nakahabol ako sa parada.

O baka hindi na rin talaga

sapagkat ang aking naabutan

matapos ang paghahanap

sa sarili sa gitna ng dagat

ng mga katawan at ingay

ay ang pagpaswit ng mga kulay.

Hindi kita nakita.

Naroroon ka lang, marahil

kasama ng mga kasama,

nakatingala rin marahil,

matapos ang mahabang

paglalakad, upang pagmasdan

ang pagsipol ng mga liwanag,

upang pakinggan ang pakikipagniig

ng mga piraso ng mga kulay

sa marungis na papel ng langit.

Nagtagpo kaya ang ating mga mata

sa mabilis na pagsabog ng liwanag?

O inapuhap mo kaya ang ibang irisa

na namingwit ng mga lumalangoy

na tala?

 

Mykel Andrada. Disyembre 19, 2010. 7:56am. Maginhawa St., Diliman, QC.

FLIPTOP

In Poetry | Tula on December 15, 2010 at 5:42 am

Fliptop

Mykel Andrada

 

Andami nang bago sa ating pamantasan

Wala na ang mga bangkito sa palikuran

Bawal nang magyosi sa mga pasilyo

Doble, triple na raw ang mga konyo

Ang mga graffiti ay may tapal

One-way na ang acad oval

Bago na ang ruta ng Toki at Katipunan

May sound system na sa isawan

Computerized na ang Form 5

Ang tuition per unit ay one-five

Inuuna ang negosyo

Walang pakialam sa serbisyo

Isinasara na ang UFS

Dinadaya na ang mga test

May building na ang Toyota

May mall pa ang Ayala sa Philcoa

Ang mga kawani’y sinasagad

Binabarat ang benepisyo’t SAGAD

Laos na raw ang mga tibak

Admin na talaga ang rumeresbak

Honor and excellence na raw ang motto

Yan ang sabi ng Romanong Imperyo

Yan ang pautot ng ng mga partidong trapo

Badyet ng SUCs kinaltasan ni Noynoy Aquino

Ang hindi nila magagap

O ang hindi nila matanggap

Ang hindi nila alam

Dahil wala silang pakialam

Na ang hindi nagbago sa pamantasan

Ay hindi napapagod ang mamamayan

At ang mga taksil sa bayan

Paano nga hinuhusgahan ng kasaysayan?

 

Disyembre 15, 2010. Madaling araw. Maginhawa St., QC.

 

Berso 11

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on November 9, 2010 at 12:37 am

Berso 11

Ang buwan ay iyong ngiti

At ang iyong ngiti ay nagpalaya

Ng mga kalapati

Ang mga kalapati

Ay iyong mga daliri

Na humapon sa pugad

Ng dibdib.

Mykel Andrada. Nobyembre 8, 2010. 11:48pm. Via text sa sarili. Iba, QC.

Berso 10

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on November 9, 2010 at 12:34 am

Berso 10

Minsan, iniisip kita,

na parang alon na humuhuli ng hangin.

Minsan, niyayakap mo ang mga bato sa dagat

at nag-iiwan ka ng masuyong tapik sa buhangin.

Minsan, nananalamin sa ‘yo ang araw,

at nagmumugmog ka ng liwanag,

basang boses na pumapaimbulog

at nananahan sa mga kabibe.

Minsan, nangungusap ka na parang buwang

kumikindat at dumidighay ng pilak na liwanag

at nagpapasingkit sa aking mga mata.

Mykel Andrada. Nobyembre 5, 2010. 9:29pm. Via text sa sarili. Crystal Ship Bar, 20th Avenue, Cubao, QC.

Berso 9, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on October 1, 2010 at 4:04 am

Gumuguhit ka ng mga pangarap:

Mga pusang tahimik na nag-iingay

Sa malambot na kumot ng gabi.

Ang kanilang mga buntot

Ay lumilikha ng matataas na alon,

Ng mumunting kuntil na bundok,

Ng mararahang tapik sa tagiliran.

Ang kanilang mga paa’y

Nag-iiwan ng tahimik na mga bakas,

Ng mga balahibong kumakapit

Maging sa balat ng panaginip.

Marahan ang pagpuslit ng ngiyaw,

Sumusuot sa kuweba ng pandinig

Na parang taos-pusong pasasalamat.

At malilimutan ba ang buwan,

Nakasilip sa mga talukap na dahon,

At nananalamin sa kanilang mga mata?

Mykel Andrada. 3:59am. Oktubre 1, 2010. Iba, QC.

Berso 8, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 20, 2010 at 1:53 am

Nakita kitang kumukuha ng larawan

Isang hapong galit sa tubig ang araw

At ang lahat ng pawis ay nais sairin

Ng nag-uumapoy na dila ng kalangitan.

Ninakaw mo ang sandali ng binatang

Nagpapamanhikan ng usok sa baga,

Kaniig ng kaniyang mga labi

Ang maputing puwit ng nikotina.

Ang kaniyang noo’y arinolang

Nag-iimbak ng labis na tubig at asin

At taba at langis, at lahat,

Lahat ng dapat ipabalong

Na alaalang nagsusumiksik

Sa makipot na lansangan ng utak

At sa masikip na kalsada ng dibdib.

Ninakaw mo ang sandali

Ng asul-asong usok

Na gumuguhit ng mukha,

Ng ulap, ng dahon,

Ng pusang ngumingiyaw

Habang naglalambing sa pasmadong

Mga paa ng hangin.

Niyakap mo ang iyong pandaklot

Ng sandali, at sandaling niyakap mo

Ang sandaling iyon. Isang saglit

Na aking ninakaw, isinilid

Sa imbakan sa likod ng paningin.

Mykel Andrada. 1:46am. September 20, 2010. Iba, QC.

Berso 7, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 20, 2010 at 1:52 am

Huwag mong paniwalaan ang lahat

ng lumalabas sa aking bibig.

Dahil sa mga gabing tulad nito,

nangangapa ang kaba

At nagdadalawang-isip ang dila

sa kahahagilap ng mga salitang

Ipahahapon sa iyong tenga.

Ang halakhak ay maaaring bulong,

At ang katahimikan ay maaaring

nag-aalumpihit na sigaw.

Maaari ring naninimbang ang mga salita:

Kung paano ka sasagot,

Kung paano ka magpapailandang

Ng magkakarugtong na mga titik

Ng kawalang-katiyakan,

Laluna’t ang gabi’y singlalim

ng pag-aalinlangan.

Iisa lamang ang aking titiyakin

Sa iyo at sa iyong mga kaibigan,

Na kung papalisin mo ang kamay mong nakaharang,

Baka may naghihintay na palad

Na nagkukubli’t nahihiyang bumitaw,

Nagbabakasakaling ang iyong pagkakuyom

Ay bubukadkad na parang tapat na hiling,

At nangangarap ng makakahawak.

Mykel Andrada. 5:09am. September 10, 2010. Iba, QC.

Berso 6, Serye 2010

In Berso Serye 2010 | Verse Series 2010, Poetry | Tula on September 8, 2010 at 3:40 pm

Kahit aligaga ang lahat

sa pakikinig sa kuwento

ng may kuwento,

kuwentong ipababaon

sa ibayong-dagat,

kinilig ang lahat ng kuntil

sa senyales ng iyong pagdating.

Dahan-dahan kang pumasok

sa hiniram na tahanan

nang hindi sumasayad

ang iyong mga talampakan

sa sahig na kinumutan

ng libag ng lansangan.

Nasa gitna ka ng silid,

inaakit ang lahat

kahit pa naglalangis

ang iyong kutis.

Parang bulaklak ang iyong mga tenga.

Bitbit mo ang halina

ng pinakamatamis na mansanas,

pulampula sa pagnanasa.

Dumurungaw ang ngiti

ng mga nagbibidahan

sa gabing ang sentro-

de-grabed ng paghuhuntahan

ay ang kaibigang mangingibang-

bayan, dala ang alaala

ng buntot mong kulot na kulot,

tanda ng higpit at tamis

nitong pagbibigkis.

Mykel Andrada. September 8, 2010. 3:40pm. Iba, QC.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.